PAGBABAGO O LUMANG BAGO

ISANG BUONG LINGGO, makalipas ang sumasabog na gabi ng pagsalubong sa bagong taon, ating binuno ang mga araw hanggan ngayon ang pagsunod sa nakagawiang kaugalian ang masusing
pagharap sa bagong bukas ng 2023. Marami sa atin ang tiyak ng nakasulat ng tinatawag na New
Year’s Resolutions, bilang pagtalima sa kautusan ng panahong palagiang idinidiin n gating mga makabagong ninuno, si Lolo at Lola, si Tatay at Nanay, na hanggang ngayon ay disipulo pa rin ni Santa Claus.

New Year’s Resolutions? Aba, taun-taon naman nating ginagawa ang mga ito sa pagpasok ng unang lingo. Araw-gabing binalangkas, pinagpalit-palit, bura-sulat ulit, upang mailatag lang ang
kasulatan ng mga pagbabagong ninanais para sa bagong taon. Pitong araw na ginugol, pinaglaanan ng oras, sinunog ang kilay, kinilatis ang mga kaisipang muling binuhay sa pagmumuni-muni, maisulat lamang ang mga inaakalang madaling bigyang kaganapan.

Ang siste, aminin man o hindi, ang mga naisulat noong nakaraang panahon, daglian ding ibinaon sa baul ng pagkalimit. Madaling lumipas ang mga araw, lingo at buwan, hahalungkatin ang linulumot na baul, upang muling basahin ang naisulat. Kadalasan, wala kasing isang kusing na
pangakong gagawin ang naisilang sa kaganapan. Ititigil ko na ang paninigarilyo. Eto, habang
binabasa ang wish list, nakayupyop pa rin ng nagbabagang isang ikaapat na lamang ng bisyong
iwinawaksi.

Hindi na ako iinom ng alak na naging mitsa ng pag-aaaway sa pamilya, maging sa mga kapit-bahay, lalo na kung pagapang na umuuwi si Mister galing sa magdamag na basagan ng bato. Dodoblehin ko ang kita sa paglalaba, upang kahit papaano ay makapag dagdag-kita sa mga gastusin ng pamilya, ika ni Misis. Bakit nga ba hindi nasunod? Kasi naman ang mga suking nagpapalabada, ayaw ng dagdag singil, sa kahirapan din ng buhay.

Sa mga nagtratrabaho, publiko man o pribado, ang pangakong bibilisan ang mga nakatakdang gawain sa arawaraw, ay tila bulang naglaho kapag nasa opisina o pagawaan. Umaatikabong tismisan kasi ang inatupag bawat oras, habang ang mga gawaing minuto lang ang kailangan, ayun, nakahimlay sa office desk at inamag naman ang mga hindi man lamang nakitaan ng sinagaraw na pag-asikaso.

Ganun din ang mga lider na ating hinalal. Ang mga ipinangakong bagong anyo ng pamamahala, ganun pa rin ang epekto. Sabi nga ni barbering kunwa ay nagulantang sa tanong, “Bagong simula,
bagong luma! Na-bagoong ng tuluyan, at balik katamaran pa rin si Mr Official na “Now you see, now you don’t”. Dapat siguro, sa kuwaresma ang sulatan ng New Year’s Resolutions. Panahon ng
Pagtitika, ng Pagninilay-nilay, ng Pag-gising sa isang bagong anyo ng buhay sa ating mga Pinoy.

Eh kasi naman, isalampak mo ang dapat gawin, sa unang araw ng buwan ng humahagibis na taon, syempre parang tatamad-tamad pa tayo sa pagbangon. Mahirap nga naman na pilitin natin ang mga katawang inumaga sa pagsalubong sa taong dumarating. Inumaga dahil sa walang puknat na
kwentuhan, bidahan, pagsasaya, habang nilalaklak ang alak na bumubuhos, itinatagay, isinasalasak sa bibig, masabi lang na may pakikisama.

Ang nangyari, isang buong linggong nakamulat sa kawalan. Nagbingi-bingihan sa panawagan na gumising, bumangon, umahon, at salubungin ng mahinahon ang dumarating na Haring Araw.
Eh papaano nga ang gagawin pag-gising, pagbangon at pag-ahon, samantalang nanunuot ang
ginaw ng panahon? Mula ulo hanggang talampakan, balot ng kahit na anong madudukot sa baul.

Dobleng kumot, tripling medyas na hanggang tuhod. Lahat na ginawa nating taga Baguio, ginawa na buong lingo, mabawasan man lang kahit kaunti ang lamig na hanggang buto ay nanunuot. New Year’s Resolutions? Maginaw ang klima. Di ko pa type ang panahon. Saka na iyan. Ngayon, bigyang pansin ang mga nakatiwangwang na gawaing humihiyaw ng kaganapan. AngatTayoBaguio, ang
kailangan anumang panahon ng pangangailangan. Kailangan pa bang i-memorize iyan?

Amianan Balita Ngayon