LUNGSOD NG BAGUIO – Ang mga batang mag-aaral sa bayan ng Malibcong, Abra ay patuloy na nakakulong sa kanilang mga tahanan sa halip na pumasok sa paaralan.
Suspendido pa rin ang mga klase bunsod ng ipinapatupad na military operations laban sa mga rebeldeng sumalakay sa himpilan ng pulis ng naturang bayan noong gabi ng Linggo (Marso 12, 2017) at nag-ambush sa convoy ng hepe ng pulis kinaumagahan.
Sa ulat ng kagawaran ng edukasyon, maaari pang mag-extend o mapalawig ang class suspensions.
Hindi bababa sa 11 na paaralang elementarya ang nagsara ng klase mula noong Martes (Marso 14), ayon kay Georaloy Palao-oy ng Dep-ed. Aniya, magpapatuloy ito hanggang sa ideklara ng pulis at military na maayos na ang sitwasyon.
Karamihang guro sa mga naapektuhang paaralan ay mula sa ibang bayan at malalayong lugar, paliwanag pa ni Palao-oy.
Ito ay habang ang mga pulis na nakatalaga sa sinalakay na himpilan ay sumasailalim sa imbestigasyon.
Ang Cordillera police ay bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) sa pangunguna ni Cordillera police deputy regional director for administration Sr. Supt. Gregorio Lim.
Tinatayang 30 rebelde ang sumugod sa istasyon ng pulis na pansamantalang nasa abandonadong bahay ni Malibcong Mayor Benido Bacuyag dakong 7:30 ng gabi noong Linggo. Sapilitang inokupa ng mga rebelde ang himpilan sa loob ng isang oras at pagkatapos ay itinakbo ang pitong M16 assault rifles, tatlong pistol at apat na mobile phones.
Ang mga pulis na reinforcement na pinangungunahan ni Abra police director Sr. Supt. Alberto Tagum ay inambush habang patungo sa naturang bayan, dakong 11 ng umaga ng Lunes. Sugatan sina Police Officer 2 Jessie Trinidad, Police Officers 1 Marlon dela Paz, Gerome Baldos, Kennon Sanggoy at Von Harold Layao, dahil sa pakikipagbarilan sa mga rebelde ngunit naideklara nang ligtas sa ngayon. Si Tagum ay hindi nasaktan.
Ipinaalala ni Cordillera police director Chief Supt. Elmo Sarona sa kapulisan na maging alerto sa lahat ng pagkakataon upang maiwasang mangyari muli ang insidente.
Sinabi naman ni Abra Gov. Jocelyn Valera-Bernos na lahat ng pulis na naka-deploy sa Malibcong ay pinalitan ng mga nagmula sa Cordillera regional headquarters.
Samantala, sa pag-amin ng mga rebelde sa naturang pag-atake ay sinabi nilang bunsod ito ng mga reklamo ng mga residente laban sa Oplan Tokhang.
Sa kanyang pagpuri sa Abra-based Agustin Begnalen Command, sinabi ni Martin Montana, spokesperson ng New Peoples Army-Ilocos, na ang raid ay upang parusahan ang kapulisan sa kanilang pang-aabuso sa mga residente sa pamamagitan ng Oplan Tokhang operations at sa kawalan nila ng respeto sa indigenous socio-political structures ng mga pamayanan.
Aniya, karamihan ng mga residente sa Malibcong ay hindi makalimot sa papel ng lokal na pulis sa pagdedepensa sa interes ng warlords at ng Cellophil Resources Corporation noong panahon ni Presidente Marcos na nagbunsod ng pananamantala sa natural resources, ancestral lands at paglabag sa karapatang pantao ng mga residente hanggang ngayon. “Hindi lang sa Malibcong, kundi sa halos sa lahat ng bayan ng Abra ay ganito ang papel ng kapulisan,” dagdag ni Montana. Ace Alegre / ABN
March 18, 2017
March 24, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024