PABABA NG PABABA

TULOY-TULOY na ang pagdausdos ni Covid nitong mga nakaraang araw. Pa dos-dos na lang ang
bilang ng mga bagong kaso. Aba, reviewhin natin na ilang buwan ng sampung libong higit pa ang nakalista. Pero nitong mga huling linggo, lalo na simula noong Lunes, hindi na mapigilan ang pagbaba ng husto ng mga bagong kaso. Kamakalawa lamang, nagbabala ang mga punong abala na huwag maging kampante dahil nga nasa bansa na raw ang 2 bagong kasong kinapitan ng pinakabagong variant ni Covid.

India at Amerika ang sinasabing mga bansang unang kinakitaan ng bagong silang na covid mutation. Kaya naman ng magpahayag na narito na ang pinakahuling anak ni covid, signos na tinanggap ito. Kakaiba naman ang sitwasyon sa atin dine sa Baguio. Padala-dalawa ang average count ng new cases. Kaya pala, tila walang katinagtinag tayong taga-Baguio kahit na bulagain pa rin ni XBB, ang bagong super-variant. Idagdag pa na pwede na raw mag third dosage ng bakuna, sinasabi ring pinakabagong bakunang kayang lupigin at supilin si covid.

O, ayun, parang dumaang hangin ang mga paalala ng kinauukulan. Bisnis as usual, ika nga. Mismo ang ating Ama ng Lungsod, si Mayor Benjie, hindi nababahala. Plano pa nga nyang gawing opsyonal ang pag-gamit ng face mask sa mga indoor environment. Samakatwid, tuloy ang agos ng
buhay. Hindi na dapat maging pangamba si covid. Senyales na nga raw ang mga pababa ng
pababang bagong kaso. Nasa huling hingalo na si Covid. Kinakapusan na ng final breath. Papalapit na sa huling hantungan.

Kulang na lang ang pinakapenal na panalangin. Tulad ng sinabi ni Mayor, huwag ng magpaka-kampante ng tuluyan, at huling hininga NA NI COVID. Malamang, anumang araw ngayon ay kanyang idedeklara na opsyonal na lamang ang gamit ng face mask . Sa mga outdoor setting
naman, nasa sa atin pa rin ang desisyon kung gagamitin pa rin ang face mask. Ibig sabihin, desisyunan na natin ang tama at sapat na pag-iingat upang maging protektado at ligtas.

Ang mahalaga, patuloy nating pangalagaan ang ating mga sarili. Sa panahong patigok-tigok na si Covid, huwag pa rin tayong padadala sa simbuyo ng katuwaan upang kampante ng salungain ang
panganib ng pagkakahawa. DAGDAG paalala: Halos lampas ng 3 taong singkad ang matagal na nating viral visitor sa Pinas. Kaya naman, dagdagan pa ang pag-iingat. Ang pasensya. Ang hindi
pagkalimot sa nakaraang orasoras ay nasa peligro ang ating buhay na binulaga ni covid.

Di tulad ng dumaang mga bagyo, si Covid ay nandyan pa rin. Nag-aabang. Nagbabantay. Aaligid-aligid, kukurap-kurap, at dahil may dalang sariling bagsik ang bagong kaanyuan nito, walang humpay naman ang ginagawang paghahasik ng lagim. Oo nga at panibagong peligro ang umiiral dala ni covid. Hindi sya natitinag. Kung akala natin, nitong mga nakaraang buwan, ay nawawalan na sya ng buhay, hindi pa pala.

Kung akala natin, patungo na si covid sa huling hantungan, hindi pa pala. Eto sya, may bagong lakas na muling humahagupit, may bagong enerhiya na humahawa. Huwag nating ipagwalang
bahala si covid. Isa syang mailap na banta sa ating buhay. Nito ngang nakaraang mga araw, ang mga kaibigan natin na ilang taon ding hindi tinamaan ni covid, binigla tayo ng bagong kaalaman
na nahawa na. Mga taong naiwasang mahawa sa loob ng higit dalawang taon, ngayon ay naisama bigla sa mga listahan ng hawaan.

Patunay ito na patindi ng patindi ang bagong banta ng pandemyang lampas dalawang taon na nanalasa sa buong mundo. Walang araw na nagdaan na hindi pinalampas ang ating mga eksperto sa kalusugan sa paglalahad ng ating pambansang kundisyon. Para bagang, kinokundisyon tayo na ang huling hininga ni Covid ay wala pa sa linya. Isang kalaban sya na hindi masupilsupil, hindi matinag-tinag. Walang kakurap-kurap kung umalma.

Ang sabi, si super-variant XBB ay mula sa Omicron na isang bagong panganib na hinaharap ng sangkatauhan. Kasama syempre ang Pinoy at Pinay na tila dedma at walang pagkabahala na binabalikat ang sangkatutak na problema ng buhay. Okey lang naman, basta nandyan pa rin ang pagtalima sa mga patakaran ng kaligtasan. Tunay na kakaiba si XBB, higit na mabilis na humawa. Pero, dahil sa nakitaan ito ng kumakaunting kabangisan, hindi dapat na lubos na pangilagan at
katakutan. Hugas-kamay, Wastong distansya sa kapwa.

At, mag-face mask gayung opsyonal rin. Tuloy lang ang agos ng buhay. Tuloy lang ang pag-ahon
at pag-bangon. IngatAngatTayoBaguio, dyan tayo may progreso at asenso!.

Amianan Balita Ngayon