Pag-atras ng mga truck at bus, ipagbabawal sa Baguio

Sa patuloy na paglala ng kalagayan ng trapiko sa ilang bahagi ng lungsod ay nagkukumahog ang mga lokal na opisyal na makahanap ng alternatibong estratehiya upang mapagaan ang kondisyon ng trapiko na nagpapahirap sa mga residente at mga bisita halos araw-araw.
Hinihimok ng sangguniang panlungsod ang Traffic and Transportation Management Committee (TTMC) na pag-aralan ang pagpapatupad sa “No Backing-Up” rule para sa mga malalaking truck at bus sa Buhagan Road (Bokawkan Road), Aspiras-Palispis Highway (Marcos Highway) at Gov. Pack Road upang matugunan ang traffic congestion sa mga naturang lugar.
Ito ang nakasaad sa city council resolution number 391, series of 2018, na iniakda ni Councilor Elaine Sembrano at niratipikahan ni Mayor Mauricio Domogan.
Ayon sa panukala, ang TTMC ay binuo upang pag-aralan at magrekomenda ng mga solusyon sa problema sa trapiko ng lungsod at upang magmungkahi ng mga patakaran na maaring ipatupad ng lokal na pamahalaan.
“It is an observation that vehicles that are backing-up coming from business establishments along Buhagan Road and Aspiras-Palispis Highway instantly creates traffic congestion,” saad ng resolusyon.
Dagdag pa rito, ang pag-atras ng mga bus sa Gov. Pack Road ay gumagambala sa daloy ng trapiko at nagdudulot ng traffic congestion sa lugar.
Mungkahi ng panukala na maaaring hiramin ng TTMC ang “Nose-In, Nose-Out” policy na ipinapatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang matugunan ang problema sa traffic congestion sa mga naturang lugar.
G.KEITH/ABN

Amianan Balita Ngayon