Zero firecracker injury sa Baguio, pinuri

Isa si Mayor Mauricio Domogan sa mga pangunahing pumuri sa nakamtan na zero-firecracker-induced-injury target para sa pagdiriwang ng 2018 Christmas at 2019 New Year sa lungsod ng Baguio.
“We are happy that the city’s effort to prevent the selling of these firecrackers bore fruit and we achieved our target of zero casualty this year and of course we credit this also to the public for their cooperation to our program,” pahayag ng mayor.
Aniya, may mga nagtangkang lumabag sa alituntunin at sinubukang magbenta ng mga ipinagbabawal na paputok ngunit tagumpay na napigilan ang mga ito ng kapulisan.
Sinabi ng mayor na malaki ang pag-asa nito na bunsod ng positibong kinahantungan ng kampanya kontra sa paputok ay tuluyan nang aaprubahan ng konseho ng lungsod ang ordinansa sa total ban ng pagbebenta at paggamit nito sa Baguio City.
“It has been our clamor for many years now and with this achievement now, I hope that the city council will now realize the value of totally banning the sale and use of these firecrackers,” aniya.
Iniulat ni Dr. Donabelle Tubera ng City Epidemiology and Surveillance Unit ng City Health Services Office na wala ni isang firecracker-related injury ang naitala sa lungsod sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Iniulat din ng Baguio City Police Office sa pangangasiwa ni Police Chief Sr. Supt. Eliseo Tanding ang zero case ng indiscriminate firing sa naturang panahon.
Ang lungsod ay kasalukuyang may ordinansa na nagbabawal sa pagbebenta at paggamit ng ilang paputok ngunit umaasa ang mayor sa total ban upang masiguro ang ligtas na pagdiriwang.
Ang pamahalaang lokal ay nagsagawa ng sariling community fireworks display sa Melvin Jones, Burnham Park noong Disyembre 31,2018 bilang pagtugon sa direktiba ng national government na pahintulutan ang isang centralized area para sa fireworks display upang mabawasan ang panganib at kapahamakan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
A.P.REFUERZO/ABN

Amianan Balita Ngayon