Kabataan hiniling na gumawa ng volunteer programs sa mga rehab

Hinihimok ang lokal na samahan ng kabataan na magsagawa ng volunteer programs sa mga piling drug rehabilitation centers sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa pangangasiwa ni Betty Fangasan.
Ito ang mandato ng city council resolution number 394, series of 2018, na nilagdaan ni Mayor Mauricio Domogan. Ang resolusyon ay batay sa kaparehong panukala na iniakda ni Scout Official For-A-Day Councilor Ma. Cassandra Espiritu sa kanilang sesyon noong Oktubre 8, 2018.
Ipinupunto ng naaprubahang resolusyon na ang Sangguniang Kabataan, bilang isang aktibong institusyon ng gobyerno, ay may malawak na operasyon sa buong bansa upang pangunahan ang mga aktibidad at mga pagsisikap na isulong ang tunay na komprehensibong youth development at empowerment.
Nakasipi sa resolusyon ang probisyon ng 1987 Constitution na, “The State recognizes the vital role of the youth in nation-building and shall promote and protect their physical, moral, spiritual, intellectual, and social well-being. It shall inculcate in the youth patriotism and nationalism, and encourage their involvement in public and civic affairs.”
Ayon sa resolusyon, naideklarang kabilang sa mga patakaran ng lungsod na pataasin ang kaalaman ng kabataan sa masasamang dulot ng pag-abuso at paggamit sa mga ipinagbabawal na gamot at siguruhin na hindi masasangkot ang mga ito sa anumang insidente na may kaugnayan sa ilegal na droga.
“In coordination with the CSWDO, any youth organization or youth-serving organization in the city can conduct volunteer programs in selected drug rehabilitation centers in the locality,” dagdag pa ng panukala.
G.KEITH/ABN

Amianan Balita Ngayon