UMIINGAY na ang mga tinig na humuhulagpos tungo sa halalan na sa isang taon pa mangyayari. Iba’t ibang tinig, ngunit ramdam na ang mga padinig at paghaplos mailagay lang sa isipan ng mga botante. Ano kaya ang mga
paramdam na nitong huling buwan ay nagsisimula ng pumailanlang? Aba, tingnan nga natin. Kelan ba ang
deadline ng pag-sumite ng mga kandidatura sa Comelec? Aba eh sa Oktubre pa, mula a-26 hanggang a-31. Pag sapit ng ika isang araw ng Nobyembre, lampas deadline na. Pwera na lang kung sa Araw ng mga Namatay ay gusto mong
humabol.
Suriin nga natin ang mga kabuting nagsusulputan na ang mga nagnanais na maglingkod, hindi daw sa pansariling
kapakanan, ngunit para sa malawakang interes ng sambayanan. Totoo nga kaya ang ating naririnig? Sa pagka-Congressman, ilang mga pangalan ang ngayon pa lang ay pumapaimbulog na sa papawirin, parang mga ulap na
sumasayaw sa hihip ng hangin. Nandyan ang asawa ng kasalukuyang may hawak ng pwesto at ngayon nga ay
kakandidato daw na kanyang kapalit.
Nandyan din ang mga pangalan ng minsan ay naging mga lider ng lungsod. Ang isa nga ay pababalik-balik sa
pwestong Congressman at City Mayor. Ang iba mga pangalang ating naririnig ay yaong mga nakapagsilbi ng minsan sa iba’tibang posisyon, ngunit tila hindi masawata ang ambisyon. Ang tanong nga ng karamihan – lalo’t higit na mga taksi drayber na ilang mga pasada lang ay naging mga makahulugang taga analisa. Nang marinig na mag-asawa ang
ipinaparada, taas-kilay sila habang minamanyobra ang sasakyang pagiwang giwang na.
Wala na bang iba? Parang ang siste ay pare parehong mga ngalan ang ibinubuga sa kaitasan. Oo nga naman, wala na bang iba? Larong pulitikang napaka aga ang naririnig na bukam bibig ng mga taong ang silbi yata sa lungsod ay basahin ang mga kilos, galaw, at pananalita ng mga nakaaalam. Kaya naman, ang mga isyung bumabalot ngayon sa lungsod ay tila napapaaga. Pulitika na ang bulung-bulungan. Sa barberya, pati beauty parlor. Sa mga pampublikong sasakyan. Taksi at dyip man. Sa nasyonal, usapang Duterte ang pinakamatindi.
Sabi ng mga DDS loyalist, okey lang na tatlong Duterte – ang ama na dating presidente at dalawang anak na lalaki
(pawang naka posisyon) – ang papunta ng Senado. Akalain mo, tatlo sila at kung idagdag ang mga maka DDS – si Robinhood, si Bato, si Glorified Go at mga kaalyadong Utol ng Bayan, Imeng laging may sosolusyonan kung anong problema ang uunahin, at Leon Guerrerong dala pa rin ang kabayo – aba eh malakas na puwersa iyan na lahat ng
panukalang galing sa Palasyo ay dadaan sa butas ng ating mga ilong.
Akalain mo, mag-inang Villar naryan na, bumubuntot na ang isa pang Villar na ngayon pa lang ay todo-anunsyo nang kanyang napupusuan. Nandyan din ang magkapatid na Cayetano – si Pia at si Alan– na ni wala nga tayong marinig nitong mga araw. Family enterprise and tawag ng karamihang botante – mag asawa, magkapatid, mag-ina,
mag-ama. Kanya-kanyang kapit sa anumang makukupit. Kaya naman, bago pa man tayo malunod sa dagsa ng
pagkabalahura, usapang pulitika, maghunos-dili na lamang tayo at huminto habang namamayagpag ang mga
naluluha na sa mga ambisyong lampas-langit.
Hala, bira!
ULITIN natin ang komento tungkol sa usapin ng congestion fee. Huwag nating maliitin ang mga isyu pang lungsod, ngunit dapat lamang na pag-ibayuhin ang diskusyon tungkul sa mainit na usapin. Pagibayuhin pa natin ang mga
publikong consultasyon lalo na kung may parang buwis na ipapataw. Sa aking pinanggagalingan, tila yata hindi gaanong nauunawaan ang katwiran ng isang panukala na dagliang binabatikos sa mga social media. Anuman ang nasa motibo ng mga sumusulong sa panukalang patawan ang pag gamit ng mga kalsada sa Central Business District, kailangan pang pag-ibayuhin ang mga pag-uusap upang maunawaan ang panukala.
Napapanahon na mapag talakayan ang usapin nito, dahil nga ngayon lamang naimumungkahi na magpataw ng hindi maunawaang pag singil kapag gumamit ka ng kalsada sa loob ng Central Business District. Congestion fee ang
bansag. Ibig sabihin, gusto mong makisalamuha sa sikip ng trapiko, ibig mong maging sanhi ng kabigatan upang mabagtas ang mga kalsada sa loob nito, magbayad ka ng kaukulang perwisyo gawa ng iyong pagnanais na magamit ang mga pangunahing daan sa loob ng zonang CBD. Kung ayaw mong mapatawan ng paniningil, iwasan ang CBD, galugarinang kalakhang Baguio. Ang buhay ay hindi lamang nakapaloob sa zonang pinasikip[ pa ng iyong sasakyan.
August 10, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024