PAGHAHANDA SA KAPASKUHAN

NITONG BUWAN, naging pasilip ang mga kasayahang inilunsad ng sektor ng turismo, upang mabigyan
ng tamang paghahanda ang darating na Kapaskuhan! Wala na yatang hihigit pa sa Pasko ang bugso ng damdaming mapasaya ang sambayanan. Mga problema sa buhay-buhay, isinasantabi. Mga tumitinding
pangambang dulot ni covid, ipinagwawalang- bahala. Sige lang, ‘ika nga, surviving pa rin tayo. Staying
alive. Basta, tuloy ang pag-iingat, ok lang.

Kaya naman, nitong Nobyembre na magtatapos sa a-30, kapit-bisig ang lahat, lalo na ang mga nasa-turismo, kanda-ugaga, upang maagang maihatid ang mensahe ng Sabsaban. Noong a-13 nga, binuksan ang 14-day Baguio Creative Festival, isang natatanging pagbibigay dangal sa mga alagad ng sining at manlilikha. Nakaka-proud ang programang naglunsad sa Ibagiw 2022, ang taunang selebrasyon na
nagbibigay pagkilala sa lahat ng mga bumubuo ng Baguio creative city.

Isang pinagpalang saludo, Direk Ferdie Balanag at city tourism officer Alec Mapalo, na siyang mga pangunahing punong-abala upang mabigyan ang madla ng isang natatanging palabas. Take a bow,
Creative Baguio City Council na pinangungunahan ni former UP Chancellor Raymundo Rovillos at ni Mayor Benjie mismo, na siyang moving spirit ng bumabangong creative economy.

Ang sabi nga po ni Mayor Benjie, “isang mataas na karangalan na muling ipamalas ang kakayahang
lumikha ng hindi matatawarang programang bumubuhay sa lumilikhang ekonomiya,” isang positibong palatandaan ng panibagong sigla ng Baguio sa mga panahong ito. Ngayong Linggo, a-27 ng buwan, pormal na magtatapos ang 14-day Ibagiw 2022, isang makasaysang yugto sa maikling panahong naging creative city ang lungsod.

Sa pamamagitan ng mga pinagbuklod na mga talent n gating mga creative personalities ang mga artists at artisans at maging mga creative workers ay naipamalas ang galing, ang gilas, at ang husay ng mga Ibagiw. Ang huling salita ay simpleng ngalan ng mga gawang Baguio ng taga-Baguio. O, di ba nakakataas ng noo? Hindi naman nalalayo ang Baguio Tourism Council na nagpahayag ng mga special events upang maranasang muli ang Enchanting Christmas in Baguio, na unang inilunsad taong 2019, tatlong buwang
bago pa maghasik ng lagim si covid-19.

Nasa unahang listahan ang mga tradisyonal na programang naglulunsad sa higit na isang buwan ng selebrasyon upang muling maranasan ng madla, pati na rin ang mga bisitang dadagsa na naman, (at
magdudulot ng nakakagalit na trapik sa ating mga lansangan), ang tunay na diwa, himig, kulay, at saya ng
Kapaskuhan sa Baguio. Simultaneous Christmas lighting sa mga pangunahing lugar, mula sa tuktok ng Session Road rotunda, kasama ng mga major public parks, ang Burnham Park, Botanical Garden, road islands, maging ang mga lugar na paboritong pasyalan sa lungsod. Idagdag pa diyan ang Nutcracker Festival, na isang katangi-tanging programang pagsasamahan ng mga PMA cadets at ng Baguio Ballet dancer.

Nauna pala ang Tourism Summit na dinaluhan ng mga iba’t ibang sektor ng mga alagad ng turismo sa Baguio — ang mga restoran, hotel, at staycation places, ang mga tindahang binibilhan ng mga tourist items, ang mga transportasyon na siyang madalas na sinasakyan ng mga bisita, ang mga establisyementong may kinalaman sa bawat galaw ng turista. Nagkaroon din ng eleksyon para sa susunod na taon. Ang siyam na representante ng mga pribadong sektor ay nag-sanib pwersa sa anim na taga-gobyerno local at nasyonal upang ihalal ang mga opisyal na uukit ng mga programa sa susunod na 3 taon.

Sa mga nagdaang araw ay binalangkas na rin ang isang natatanging programang maguugnay sa Baguio at Cebu sa pamamagitan ng air flights sa dalawang tourist places. Pormal na pasisinayaan ang mga byaheng langit sa a-15 ng Disyembre, sa inayos na Loakan airport upang maging ligtas ang mga byaheng
pang-ere. Malaking booster ito sa paglago ng turismo sa magkatuwang na lugar. At habang ang lahat ng mga magagawa pa ay patuloy na binabalangkas, sana naman ay huwag nating maliitin ang banta ni
covid sa ating buhay at kaligtasan.

Sana naman ay tanggapin ng maluwag ang ating Ama ng Lungsod. Tunay na nakakabahala pa rin ang
sitwasyon, gayung bukas-loob na nating niluluwagan ang ekonomiyang pinaluhod ng higit sa 2 taon ng pananalasa.. Narito nga ang misteryo ng buwan. Gayung mas marami ang tuloy-tuloy lamang sa pag-gamit ng face mask, ay bakit tuloy-tuloy din ang paglobong pabulusok ng mga kaso. Sa ating kapaligiran, sa loob o labas man ng gusali, lalo na ang mga shopping mall, kitang-kita naman na mismong ang gamit ng face mask, na halos isang buwan ng ginawang opsyonal, ay hindi nasusunod.

Mantakin mong sa mga kalsadang dinadagsa ng mga commuter at shopper, higit na 8 sa bawat sampu ay nakasuot pa rin ang face mask. Oo nga at mismong tayo na lampas ng dalawang taong binuno ang higpit ng restriksyon, buong tapang na sumunod sa mga patakarang pang-kaligtasan, ay suot-suot pa rin ang face mask. Kaya naman, sa mga tigas-ulo, tingnan natin kung hanggang saan pupulutin ang mga tinamanang lintik na sumusuway sa mga protocol ng kaligtasan.

Bakunado man o hindi, kailangan pa ring maging masunurin tayo sa mga patakaran. Ngayong opsyonal ang face mask, hindi malayong isunod na ang pag-walis sa alituntunin ng social distancing. Sa mga kamangha-manghang mga mangmang na hindi pa bakunado, huwag mong naisin na mapabilang sa mga nasawi sa laban na ito. Huwag na nating ipagsapalaran ang kaligtasan ng ating pangangatawan. Huwag ng pakinggan ang mga nagkukunwaring eksperto sa kalusugan na minamadaling ibalik sa normal ang
agos ng buhay. Aanhin ang kabuhayan kung walang buhay na sasagupa sa kanyang mga hamon.

Dapat lamang na ulit-ulitin: Ang ating pag-ahon at pag-angat ay nasa ating mga kamay. Ngunit, depende pa rin iyan sa takbo ng utak, sa likaw ng bituka, sa hinaing ng puso. Hindi gagalaw ang mga kamay kung walang nag-uutos na pag-iisip. Buong puso, buong diwa, buong pagpiling ng tamang desisyon – ito ang ating pairalin. Ibayong pag-iingat, habang si covid ay tatahimik-tahimik lamang. Sariling pag-iingat ang ating panawagan kung ibig nating bilisan ang pag-angat sa kundisyong patuloy si covid sa kanyang
bantang umiskor pa ng buong tindi at bangis.

AngatTayoBaguio kung lahat, lahat tayo, ay bakunado ng todo-todo! Ating siguruhin ang ating kalagayan na handa tayong salubungin ang saya at tuwa ng isang Paskong may kabuluhan sa ating buhay na galing sa Sanggol sa Sabsaban.

Amianan Balita Ngayon