Paglabag sa solid waste program, tinutukan ng EMB

Binabantayan ng Environmental Management Bureau (EMB) ang iba’t ibang munisipyo na inireklamo sa paglabag ng Solid Waste Management Program o Republic Act 9003 sa mga probinsya ng Cordillera.
Ayon kay Reynaldo Digamo, OIC regional director ng EMB, pinagtutuunan nila ng pansin ang 32 munisipyo na pinilahan ng kaso sa opisina ng Ombudsman dahil sa paglabag sa mga patakaran sa ilalim ng nasabing batas.
Sinabi rin ng opisyal sa naganap na Kapihan sa EMB noong Pebrero 22 na may mga proyekto silang ipinapatupad para makatulong sa mga munisipyo lalo na ang mga napabilang sa listahan. Kabilang sa nasabing listahan ang 11 na munisipyo sa Abra, anim sa Benguet, pito sa Mt. Province, apat sa Ifugao at sa Kalinga.
Dagdag pa ni Digamo, naglaan ang kanilang opisina ng pondo na nagkakahalaga ng P300,000 para sa bawat munisipyo na gagamitin sa pagpapatayo ng Material Recovery Facility (MRF) na may kasamang biodegradable shredder.
Ayon naman kay Joyce Ann Mangsat ng Abra Provincial Management Unit, may mga programa ang kanilang opisina para sa mga munisipyo na napabilang sa listahan ng pinilahan ng kaso. “They have signed the voluntary commitment sa six items that they have to comply within 30 days. After that, we have assisted the 11 LGUs to submit concrete compliance to the National Solid Waste Commission. Sa ngayon, babantayan po natin sila,” aniya.
Dagdag pa niya, may mga pagsusuri din na ginawa ang kanilang opisina sa iba’t ibang munisipyo ng Abra. “Recently, we have conducted waste analysis and characterization for the LGU of Danglas, Baay, Licuan and Villa Visiosa. We also closely monitor the maintenance rehabilitation of the closed dumpsites,” pahayag ni Mangsat. Dahil dito, pinayagan ang mga munisipyo na magkaroon ng kanilang sariling sanitary disposal facility sa pamamagitan ng paglalagay ng liner sa kanilang disposal facilities at pinagbawalan silang magsunog ng mga basura. Malou Aticao, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon