Pagpapalinis ng isda sa palengke, bawal na

Ipagbabawal na ang pagpapalinis ng mga isda sa pamilihang bayan ng lungsod simula ika-1 ng Marso 2018.
Ayon kay Mayor Mauricio Domogan, pagtugon ito sa hindi maayos na pagtatapon ng mga nagtitinda sa mga tinanggal na kaliskis at lamang loob ng isda na nagiging sanhi ng pagbara ng daluyan ng tubig sa kanal na pinagmumulan ng mabahong amoy sa palengke.
Alinsunod ito sa Ordinance No. 54 series of 1088 na nagbabawwal ng pagtatapon ng basura sa drainage system, kanal, sapa at mga ilog. Ang mahuhuling lalabag ay pagmumultahin mula P300 hanggang P1,000 at maaaring magdulot ng pagkansela ng business permit o pagpapaalis sa pwesto sa palengke.
Inalmahan naman ito ng ilang mamimili na sila ang magdurusa sa kapabayaan ng mga nagtitinda na dapat obligasyon nilang panatilihing malinis ang kanilang mga pwesto ngunit giit ng alkalde ito ay sa ikabubuti ng lahat para sa malinis na kapaligiran ng lungsod. KRISTINE MAE L. PASYAN, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon