PAGPATAY SA TRADISYONG PAPUTOK, MAKAKAYA KAYA?

Umaapela ang mga lehitimong stakeholder ng industriya ng mga paputok kay Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG) na huwag ipatupad ang panukala nito na ipagbabawal ang mga paputok sa buong bansa. Ang apela ay ginawa ng lokal na grupo ng mga gumagawa ng mga paputok matapos ipanukala ni Abalos sa mga local government units (LGUs) na magpatupad ng pagbabawal.

Ayon sa grupo, tuwing mayroong “pagbabawal” (ban) ay magsasara ang lahat ng legal at lehitimong manufacturer at susunod sa kautusan, subalit sa totoo lang, ang tunay na may kasalanan sa lahat ng mga aksidente at pinsala ay ang mga iligal dahil hindi naman daw sila nagsasara kahit may pagbabawal at kumikita pa ng mas malaki. Hinaing ng grupo na huwag naman gantimpalaan ang mga iligal na gumagawa sa pagkakaroon ng “ban”, bagkus ay dapat magsikap pa ang gobyerno sa pagpapahusay at pagsasa-ayos ng kasalukuyang mga batas.

Higpitan o ipagbawal ang mga iligal na gumagawa na walang mga lisensiya o PS MARK sa kanilang mga produkto at pigilan na sila magpakailanman. Umaasa ang grupo na madinig ni Sec. Abalos ang kanilang kalagayan at nanawagan na tumutok ang gobyerno sa mga pagsisikap na mapatigil ang mga iligal na manufacturer at mga smuggler upang maprotektahan ang lahat ng legal na trabaho sa industriya.

Noong nakaraang Lunes ay hinikayat ni Secretary Abalos ang mga local government units na magpasa ng mga ordinansa na magbabawal sa paggamit ng mga paputok at indibiduwal na fireworks display sa kanilang mga lugar. Layunin ng panukalang ito na pababain ang bilang ng mga aksidente at pinsala na may kaugnayan sa paputok sa mga darating na pagdiriwang ng bisperas ng Bagong Taon.

Noong 2017 ay nilagdaan ni dating Pangulo Rodrigo Duterte ang Executive Order 28 na nagbabawal ng mga paputok sa mga kabahayan o mga lugar na tinitirhan sa buong bansa at binibigyan-diin na ang napapamahalaan ng mga lisensiyadong tao na mga community fireworks displays lamang ang papayagan. Ito rin ang mungkahi ni Abalos at hinikayat ang mga LGU na tularan ang parehong hakbang na ginagawa ng Davao City at Quezon City.

Ang hinaing ng grupo ng mga legal na gumagawa ng paputok ay may punto naman subalit kailangan din nating tingnan na legal man o hindi ang ibinebentang mga paputok, ang mga ito ay umaabot pa rin sa mga mamimili na sila ang direktang nabibiktima at napipinsala ng mga aksidenteng may kaugnayan sa mga paputok. At sa kabilang banda gaano man karami ang mga ordinansang ilalabas ng mga lokal na gobyerno at kahit gaano man kabigat ang mga parusang ipapataw sa mga lalabag kung may mga paputok din na nakakalusot sa merkado ay balewala rin ang mga ito.

Maging ang mga patakaran at mga regulasyon gaya ng PS MARKs o Philippine Standard Quality at/o Safety Mark and Import Commodity Clearance sticker kung hindi rin nasusunod at istriktong naipapatupad ay wala ring silbi kung napapalusutan ng mga peke. Naglipana rin ang mga smuggled na paputok mula sa ibang bansa partikular sa China at online selling ng mga iligal na paputok at regulated chemicals na mahigpit na kumpitensiya ng mga legal na ginawang mga paputok na kahit
paulit-ulit na inirereklamo ay patuloy pa rin ang mga ito sa pagbebenta.

Idagdag pa ang Republic Act 7183 o ang batas na nagreregulate sa pagbebenta, pagmamanupaktura, distribusyon at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices na nilikha noong 1992 at sa kasamaang-palad ay hanggang ngayon ay hindi pa maayos na naipapatupad. Ang paggamit ng mga paputok sa tuwing selebrasyon ng Bagong Taon ay isang
napakatagal nang tradisyon sa Pilipinas.

Ipinaliwanag n mga historyador na ang mga paputok ay naimbento noong 200 BC ng mga Tsino na pinapaniwalaang nakakaakit ng magandang kapalaran o suwerte at nagtataboy ng masasamang espiritu, sabi nila, mas malakas ang paputok mas mabisa ito. Subalit ang mga paputok ay nagreresulta rin ng libo-libong pinsala at ilang pagkamatay bawat taon. Taon-taon ay dinidiskorahe ng gobyerno ang mga Pilipino mula sa paggamit ng mga paputok lalo na sa mga araw na patungo sa bisperas ng Bagong Taon, katunayan ay idineklara pa nga ang buwan ng Disyembre na Firecrackers Injury Prevention Month subalit tila wala pa ring epekto ito.

Mainam naman ang panukalang ipagbawal ng mga LGU ang paputok, ngunit mas mabuti sigurong isama rin ang mga batas sa kalikasan gaya ng Republic Act No. 8749 o ang Philippine Clean Air Act of 1999 sa pagpapabigat sa mga kaso na ipapataw sa mga gumagamit ng ipinagbabawal na mga paputok. Bukod dito ay hikayatin ang mga nagmamanupaktura na magsaliksik at gumamit ng mga di-gaanong nakakapaminsalang materyal sa paglikha ng mga paputok, dahil napakatagal pa siguro na matuto ang mga tao sa kanilang mga karanasan. Ibig sabihin, may mga batas na, pagpapatupad ng tapat at maayos ang kulang.

BATANG PINOY

Amianan Balita Ngayon