Pagsasara ng Session Road tuwing Linggo iniutos ni Magalong

LUNGSOD NG BAGUIO – Tuwing Linggo simula Agosto 4, 2019 ay isasara na ang buong lane ng Session Road mula sa harapan ng Development Bank of the Philippines paakyat sa Session Road Rotunda para sa mga sasakyan.

Ang mga sasakyan na bumababa naman mula Session Road Rotunda papunta sa Malcolm Square gayundin ang mga tumatawid mula Mabini Street ay papayagan ayon kay City Director Allen Co ng Baguio City Police Office.

Ang mga sasakyan na umaakyat mula Calderon Street ay hindi papayagan na pumasok sa Session Road, ani Co. Ang pagsasara ng Session Road ay utos ni Mayor Benjamin Magalong para sa experimental plan na ipedestrianize ang Session Road bilang bahagi ng kaniyang agenda na magbigay ng epektibong traffic management system sa lungsod sa paghikayat at pagsulong ng paglalakad lalo na sa central business district.

Sa experimental road closure ay tinitingnan ni Magalong na makakamit ang kaniyang target sa pagpapasigla sa kaligiran sa pagpapahusay sa kalidad ng hangin sa central business district at ibaba ang dami ng pagbuga ng mga sasakyan ng air pollutants.

Ipinapalagay ng BCPO na katamtaman hanggang mabigat ang trapiko sa iba pang pangunahing lansangan sa CBD gaya ng Harrison Road, Magsaysay Avenue, Legarda Road, Assumption Road, Bonifacio Street, City Hall Loop towards Bautista Drive, Otek Street at Abanao bilang resulta ng partial closure ng Session Road.

Inutusan ang mga police personnel, traffic aidesng pamahalaang lungsod at Public Order and Safety Division (POSD) na bantayan ang daloy ng trapiko sa panahon ng experimental road closure gayundin ang pagkabit ng advance traffic advisory sa mga pangunahing lansangan sa lungsod.

JMS-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon