Pagsirit ng presyo ng gasolina, kailan kaya huhupa?

Waring wala nang makakapigil sa patuloy na pagtaaas ng mga presyo ng gasolina. Itinaas ng mga kompanya ng langis ang presyo sa lahat ng produkto ng langis sa ikatlong sunodsunod na linggo na umabot hangang PhP3.10 kada litro na epekto ng mga paggalaw ng mga presyo sa pandaigdigang merkado.
Tinukoy ng mga eksperto ang mga banta sa susunod na mga buwan ang hatak ng pandaigdigang ekonomiya dahil sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine; ang paghina ng piso na nasa higit PhP53 laban sa dolyar; ang pagluluwag ng lockdown sa China; ang pagbabawal ng Europian Union (EU) sa oil imports ng Russia; at ang lumolobong pangangailangan para sa langis sa mga estado sa hilagang hemispiro dahil sa kasagsagan ng pagbibiyahe sa tag-init na panahon mula Hunyo at Setyembre.
Sinabi ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) na ang pandaigdigang sitwasyon ng langis ay patuloy ng humihigpit sa suplay.
Sumirit ang mga presyo ng langis sa buong mundo sa gitna ng mga panibagong sanction ng Estados Unidos kontra Iran, tumaas na pangangailangan mula China dahil sa pag-alis ng mga restriksiyon sa Covid-19, at mga alalahanin sa suplay bunsod ng pagbabawal ng EU sa langis ng Russia.
Noong Hunyo 14 ay itinaas ng mga kompanya ng langis ang mga presyo ng gasoline ng Php2.15 kada litro; diesel ng PhP4.30 kada litro, at gaas ng PhP4.85 kada litro. Nagresulta ito sa net increase na PhP228.70 kada litro para sa gasoline, PhP41.15 kada litro sa diesel, at PhP37.95 kada litro para sa gaas mula umpisa ng taon.
Ano ng aba ang mga posibleng sanhi at kahihinatnan ng mas mataas na mga presyo ng langis sa pangkalahatang ekonomiya? Ito ang nakakabahalang tanong. Sa napakabilis na pagtaas ng mga presyo ng langis kamakailan ay napakahirap na hindi tayo magtaka kung ano ang sanhi nito at kung ano ang epekto na idudulot nito sa ekonomiya.
Paano nga ba gumalaw ang mga presyo ng langis sa nakalipas na mga dekada? Ang matagal na panahon ng katatagan ng presyo ng langis noong dekada ’50 at ‘60 ay nagambala noong 1973 kung saan naranasan noong dekada ’70 ang dalawang partikular na paglundag ng mga presyo ng langis: ang isa na udyok ng Yom Kippur War (Ramadan War) o ang giyera ng Arab at Israel noong 1973, at ang isa ay hinikayat ng Iranian Revolution ng 1979.
Mula noon, ang mga presyo ng langis ay palagian nang nagpapakita ng pagbabago-bago. Ngayon ay nararanasan na naman natin ang malaking epekto ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine, dahil nagigipit at limitado na ang suplay ng langis sa buing mundo.
Kahit anong paliwanag ng mga eksperto sa pagnenegosyo at mga awtoridad na humahawak sa kalagayan ng industriya ng langis sa bansa ay hindi ito lubod na maiintndihan ng mga karaniwang Pilipino, ng mga direktang naapektuhang sektor, gaya ng sa transportasyon at iba pang negosyong langis ang pangunahing nagpapa-andar.
Hindi natin makokontra ang galawan ng malalaking bansa na may kontrol sa langis kaya marahil ang mabuting gawin ngayon ay tingnan ang maraming alternatibo, upang maampat ang mapipintong krisis ng langis.
Ang desisyon ng papasok na Pangulong Bongbong Marcos na mas nanaisin niyang bigyan ng ayuda ang mga apektadong maliliit na sector kaysa suspindehin ang excise tax ay mas katanggap-tanggap at ang kaniyang maagang pakikipagpulong at pakikipag-usap at paghingi ng tulong sa mga bansa ukol sa sitwasyon natin sa langis ay makakabuti para sa susunod na mga panahon, kahit pa buong mundo ay apektado rin.
Sa ngayon ay tila wala tayong magagawa dahil hindi nga natin kontrolado ang paggalaw ng presyo ng langis sa buong mundo – marahil ang maaari nating gawin sa ngayon ay magtipid at maghintay ng susunod na mga pangyayari.

Amianan Balita Ngayon