Pambabastos, supalpal na!

Daplis Walang Mintis Opinion

Habang abala ang ating pambansang kamao na si Senador Manny Pacquiao para sa kanilang laban ni Keith Thurman bukas sa Las Vegas at laban niya kontra British boxer Amir Khan sa Nobyembre 8, abala rin ang buong bansa at pinagpiyepiyestahan sa tsismisan corners ang isyu ng Anti-Bastos Law.

Supalpal na daw to the max ang ugaling ire ng mga bastos nating kababayan. Sala-salabat ang mga reaksiyon. May mga pumalakpak lalo na sa panig ng mga nababastos at meron ding mga nagkibit-balikat lang. Baka raw hindi rin oobra ang naturang batas na kapipirma lang ni Pres. Duterte.

Sige, uriratin nga natin ire, mga pards. Pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Safe Space Bill” o ang “Anti Bastos Bill” kaya naging batas na ito – Republic Act 11313 na mas maugong na sa tawag na “Bawal Bastos Law”.

Matindi ang laman ng bagong batas na ire, pards kaya marami ang nalaglag na kilay. Bawal na ang anumang uri ng pambabastos tulad ng paninipol, panghihipo, homophobic (dislike against homosexual people),trans-phobic (having or showing a dislike of or prejudice against transsexual or transgender people) o misogynistic (strongly prejudiced against women) remarks at sekswal na patutsada sa mga babae, gayundin sa iba pang kasarian.

Karaniwang mga babae ang biktima ng pambabastos pero saklaw din ng batas na ito ang mga nababastos na mga miyembro ng LGBT community.

Iisa ang misyon ng batas na ito: wakasan ang mga genderbased sexual harassment sa mga public places, on line, workplaces at maging sa mga educational at training institution. In short, walang kaligtas-ligtas ang mga bastos o mga susuwag sa batas na ito.

Saksi ang marami sa mga ginagawang pambabastos ng mga kalalakihan sa mga kababaihan na walang kalabanlaban. Lalo na kung may itsura ang napadaang babae sa mga umpukan ng mga kalalakihan lalo na kung mga lasing na ito at naka-droga pa.

Kapag pumalag si babae, pinagtatawanan lang at ang matindi, baka mauwi pa sa pisikal na kabastusan. Pero tingnan natin kung magagawa pa ng mga bastos ang dati nilang gawi ngayong andito na ang susupalpal na batas.

Mantakin mong ambibigat ng parusa. Mula sa multang isang libong piso pataas yan sa isang daang libo hanggang limang daang libong peso sa online harassment. May kulong pang trenta-dias. Palagay ko, baka kukulangin tayo ng selda pag nagkataon, pards sa dami ng mga demonyong nagkalat sa ating lipunan.

Tanong: saklaw din daw ba ng batas na ito si Pangulong Digong? Tsk tsk, sorry po pero marami ang sumisigaw na “dapat lang”! Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, dahil nilagdaan ni Pangulong Duterte ang batas, nangangahulugan ito na kinikilala niya ang naturang batas.

Sabi nga ni Panelo, “Since the President signed this law, it means that he recognizes the need (for) that law. And since he is the chief enforcer of all laws of the Philippines, he will be the first one to obey the law.” Dagdag pa ni Panelo na hindi umano bastos si Pres. Digong kundi gumagamit lamang ng makukulay na pananalita para magpatawa ng audience.

Pero reaksiyon naman ng ilan, hindi naman daw sa paggamit lang ng mga bastos o malalaswang salita ang maaring daan upang makapagpatawa. May bumulong, matitigil na rin kaya ang mga patutsada ng Pangulo kontra simbahan ngayong may Kontra Bastos Law na tayo?

Abangan! Adios mi amor, ciao, mabalos!