Pangkaraniwan man na insidente sa NAIA, kailangang mabigyan-pansin

Maaaring ang insidente sa NAIA Terminal 3 noong Agosto 25, kung saan ang 17 delegado ng Baguio City Judo Team na lilipad sana papuntang Puerto Prinsesa, Palawan upang makipagpaligsahan sa 2019 Batang Pinoy na gaganapin mula Agosto 27 – 31, 2019 ay hindi pinayagan ng Cebu Pacific personnel na lumulan sa eroplano at makabiyahe ay isang pangkaraniwan at maliit na bagay lamang para sa ilan – hindi ito maliit na bagay para sa mga batang atleta, coaches, mga magulang at mga mamamayan ng Baguio.

Ang dahilan ng Cebu Pacific personnel ay nahuli daw ang mga pasahero sa panawagan ng “last call” para sa boarding ng flight samantalang ayon sa mga coach ng Judo Team ay alaskuwatro pa lamang ng umaga ay nasa boarding gate 119 ng paliparan na sila at naghihintay dahil 6:30 ng umaga ang lipad nila noong Agosto 25 ngunit biglang iniba umano ang boarding gate nila na walang patiunang abiso at nanawagan nga daw ng “last call” at kahit hindi pa
umaalis ang eroplano ay hindi sila pinayagang lumulan dito kaya hindi nakaalis ang grupo sa araw na iyon.

Ayon sa Cebu Pacific ay kasalanan ng JudoTeam dahil hindi sila umabot sa “last call”, ayon naman sa coach at tumatayong pinuno ng Judo Team ay hindi sila inabisuhan at walang abiso.

Pinayuhan ng personnel ng Cebu Pacific ang Judo Team na magrebook na lang para sa bagong flight kinabukasan Agosto 26 sa halagang PhP5,240 bawat isa, desperado ay minabuti ng team na humingi ng tulong sa mga magulang at kaanak mabuo lamang ang halagang mahigit PhP87,000. Hindi mayaman ang mga magulang ng mga batang atleta upang agad makalikom ng halagang kailangan at makapagbook ang grupo ng panibagong flight sa PAL kinabukasan.

Sa panig ng Cebu Pacific ay sinabi ng isang opisyal nito na “maaaring” hindi narinig ng judo team ang anunsiyo sa mga pasahero ng Flight 5J635 na mag-iiba ng gate, mula 119 sa 134.

Standard operating procedure (SOP) nila na kung may pagbabago sa gate departure assignment ay agad silang mag-aanunisyo sa oras ang impormasyon ay handa na mula sa mga awtoridad ng paliparan.

Sinabi ng opisyal na lagpas na ang NAIA Terminal 3 sa kapasidad nito kaya nangyari na mag-iba ng gate kung saan may bakante doon ilalagay ang eroplano upang walang antala sa oras ng flight dahil namumulta rin daw ang airline ng gobyerno kapag nadedelay ang mga flights.

Palagi raw ang kanilang paalala sa mga pasahero na dumating maaga ng ilang oras sa paliparan at kumilos ng mabilis dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari na hindi wala silang kontrol. Sa isang araw ayon sa opisyal ay inililipad nila ang nasa 30,000 pasahero mula Manila at maaaring mabilis ang mga pangyayari.

Ang hindi magandang pangyayari sa NAIA Terminal 3 sa pagitan ng Cebu Pacific at Judo Team ng Baguio ay pangkaraniwang eksena sa mga paliparan kung tutuusin. Ngunit para sa mga batang atleta at unang pagkakataong sumakay sa eroplano ay hindi isang ordinaryong pagkakataon.

Sila ay mga batang atleta na may pangarap, bagama’t galing sa hindi mayayamang pamilya ay sinikap mahubog sa murang edad ng mga disipilinang kaakibat ng pagigiing isang atleta. Ninais nilang maagang makapunta sa Puerto Prinsesa para kahit sa isang araw na pahinga ay maging sapat na upang may lakas na idepensa ang kanilang kororna sa Judo, tama sila ang defending champion sa Judo.

Bagama’t napagkaitan ng isang araw para sa pahinga at nadagdagan ng gastos gayundin ng trauma at pagod sa dinanas na insidente habang sinusulat ito ay umaani ang koponan ng mga medalya na muling nag-ambag para manguna ang Baguio City sa standing.

Para sa Cebu Pacific ay maaaring ginawa nga nila ang standing operating procedure (SOP) na karapatan naman nila subalit sana ay isama na rin nila sa SOP ang pagbibigay ng karagdagang pasensiya at ayuda sa mga batang pasahero lalo kapag una palang nilang karanasan ito. Hindi hinihingi ang “special treatment” kundi magkaroon sana ng konting pribilehiyo o maayos na akomodasyon sa mga atleta sa mga kagayang pagkakataon.

May mga ulat ng kaparehong insidente na kinasasangkutan ng Cebu Pacific sa mga nakaraan, at dahil sa “malaking” kompanya ito ay walang kaso o pagkastigo ang nangyari. Hindi naging malaking balita (hindi ibinalita ng malalaking network) ang insidente noong Agosto 25 ngunit malaki ang mensahe nito dahil baka nga may mga pananagutan at may mga maling nangyayari na kailangang matukoy, bigyanpansin at imbestigahan ng mga kinauukulan – kung ang mga batang atleta ng Judo Team ng Baguio ang magiging pamukaw sa kasong ito, gaya ng isang magiting at determinadong atleta na tumitindig sa gitna ng mga pagsubok ay maaaring makakuha tayo ng mga kasagutan.

Amianan Balita Ngayon