LUNGSOD NG BAGUIO – Pinangunahan ng Smoke-Free Baguio Task Force ang parada na may pamagat na “Hike, Bike and Like for a Smoke Free Life” noong Huwebes, Pebrero 28 upang ihatid ang Smoke Free calendar of activities ng lungsod ngayong taon.
Layon ng parada na itampok ang kampanyang antismoking ng pamahalaan na nagtala ng higit sa limang libo na mga lumabag noong nakaraang taon.
Nagsimula ang parada alas-10:00 ng umaga mula sa Casa Vallejo at tumawid sa Session at Harrison Road.
Nagtapos ang parada sa Athletic Bowl kung saan, idinaos ang isang programang kalusugan.
Ang programa ay inorganisa ng city government at ng mga lokal na opisyal, kabilang ang mga kinatawang mula sa transport group, Health Services Office, Sanitary Inspections, Daily Cycle Movement at iba pang mga ahensya.
Namahagi ng kani-kanilang mga karanasan ang mga panauhin sa kung paano nila nilabanan ang paninigarilyo. Ang kaganapan ay tumugon sa iba’t ibang aktibidad na naka-iskedyul sa taong ito kasama na ang thumbs up na simbolo ng “like” at ang paglagda ng thumb mark sa isang inihandang tarpolin ng Pledge of Commitment na pinangunahan ni Councilor Joel Alangsab.
Si Alangsab ang siyang may akda ng Smoke Free Ordinance No. 34 na ipinasa noong taong 2017. Ipinakita din sa programa ang pagsira sa mga nakumpiskang sigarilyo, tabako at e-cigarettes na nagkakahalaga ng Php150,000.
Binigyang parangal din ang kauna-unahang dalawang barangay na kusang nagpapatupad ng iba’t ibang hakbang sa Smoke-Free campaign, tulad ng paglikha ng mga sariling ordinansa patungkol
dito, ang Brgy. DPS Compound at Brgy. Lopez Jaena.
Isang Health Fair din ang isinagawa pagkatapos ng maikling programa. Ang pangunahing layunin ng health fair ay para mapangalagaan ang pampublikong kalusugan sa pamamagitan ng pagprotekta sa mga tao mula sa mga mapanganib na epekto ng paninigarilyo, pagkonsumo ng tabako, kasama na ang vaping.
Samantala, may kabuuang 5,259 ang naitalang lumabag sa ordinansa noong nakaraang taon, at may kabuuang halaga na P2,543,000, ayon sa ulat ng smoke-free task force.
Mas mababa sa kalahati ng mga nahuling lumabag ang nagbayad ng multa habang ang iba ay sumailalim sa community service bilang parusa.
Cindy S. Mandapat, UB Intern/ABN
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025