Party List system, dapat ka bang buwagin?

Ang Party List System sa Pilipinas ay bumubuo sa isa sa mahalagang pagbabago sa politika na isinulong ng mga repormistang pampulitikal at panlipunan matapos ang 1986 EDSA Revolution.
Sa panahon ng pagbalangkas sa 1987 na konstitusyon ay masidhing ikinampanya ng mga civil society organizations na mapabilang ang party-list system na magbibigay ng pagkakataon sa “marginalized” (mahihirap) na mga sektor na makabahagi sa mga prosesong politikal sa bansa.
Nagbunga ang pagpupursige ng mga civil society groups nang maisama ang Seksiyon 5 Artikulo VI sa 1987 Konstitusyon, na magbibigay ng represenatasyon ng party-list sa Kamara de Representante kasama ang regular na sistema ng district representation na sa kasaysayan ay nakita bilang ang moog na tradisyunal na elitistang politika sa bansa.
Noong 1995 ay ipinasa ang Republic Act 7941, isang batas para sa eleksiyon ng party list representatives. Bago ito, ang party list representatives ay pinipili mula sa mga pangunahing sektor ng manggangawa, magsasaka, urban poor, indigenous cultural communities, kababaihan, kabataan, at iba pang mga sektor na itinatadhana ng batas, maliban sa sektor ng relihiyon.
Hanggang sa anong antas ba nahadlangan ng party list system ang muling paglitaw ng tradisyunal na elitistang politika sa pagtataguyod ng isang mas demokratikong pampulitikang institusyon at epektibong pamamaraan ba ito upang hadlangan ang pagbabalik ng awotiraryong pamumuno sa bansa?
Hindi dapat maliitin ang representayson ng party list dahil samasama, ang mga grupo ng party-list ay makapangyarihan. Sangkalima ng mga miyembro ng Kamara de Representante ay binigyan ng mandato ng Konstitusyon na manggagaling sa mga organisasyon ng party list, sa katatapos na halalan ay may 253 congressional districts, na ibig sabihin ay may
63 upuan o 20 porsiyento ng mga upuan ang pinaglalabanan ng eleksiyon sa party list.
Sa kaniyang pagbaba sa puwesto bilang Pangulo ng bansa ay nanawagan si Presidente Rodrigo Duterte sa susunod na adninistrasyon na buwagin ang party-list system dahil ang mekanismo daw ay ginagamit ng mga makakaliwa upang linlangin at sirain ang gobyerno.
Sinasabi rin ng mga kritiko na ang sistemang ito ay ginagamit bilang isang pailalim na pintuan upang makapuslit sa Kongreso ang mga mayayaman at maimpluwensiyang politiko. Binatikos din ni Pangulong Duterte na ang sistema ay tinawag niyang “masamang” sistema na pinopondohan ng mga mayayaman at pinagsasamantalahan ng mga heneral na may kaugnayan sa kalakalan ng droga.
Noong 2013 ay nagpasiya ang Korte Suprema na ang party-list system ay hindi dapat nalilimitahan sa mahihirap na mga grupo at kailangan buksan ito kahit sa mga politikal na organisasyon anuman ang laki nito.
Sa nakalipas na mga buwan ay inakusahn bi Duterte ang mga party-list group na Kabataan, Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers, at Gabriela na nagiging legal fronts ng Communist Party of the Philippines, ang political arm ng mga komunistang rebelde at sinabi rin niyang ginagamit ng mga komunista ang mga pondo ng gobyerno upang suportahan ang armadong mga rebelde.
Sa huli, tila walang indikasyon na may kakayahan ang party-list system sa Pilipinas na hadlangan ang tradisyunal na elitistang politika sa pambansang lehislatura at ikintal ang mga demokratikong prinsipiyo. Sa anupaman, pinatuloy ng party-list system ang tradisyunal na politika at elitistang istruktura gayundin ang mga grupo na kalaban ng gobyerno.
Marahil ang kakulangan at magkasalungat na anyo o nilalaman sa batas ng party-list system ay matutunton pabalik sa pangunahing arkitekto nito – ang Kongreso – na ang mga miyembro nito ay maaaring tiningnan ang mga organisasyon ng party-list bilang potensiyal na kalaban o mabisang plataporma sa kanilang hangarin na panatilihin ang kanilang mga posisyon ng kapangyarihan at pribilehiyo.
Sa una, ang mga bumalangkas ng 1987 Konstitusyon ay nagabayan sa pangangailangan na mapayagan ang mas malaking demokratikong representasyon, lalo na ang mga historikal na mahihirap at kulang sa representasyon na mga grupo at sektor sapagkat kung hindi ay walang pagkakataon na mahalal ng sinumang nakabase sa distrito na botante.
Ang party list system ay isang walang-pasubaling pasasalamat sa mga taong nagpatalsik kay Marcos noong 1986, gayundin bilang isang pagkilala sa mga mahalagang papel na gagampanan ng mas malawak na lipunang sibil sa demokratikong paggawa ng batas at polisiya.
Kung patuloy na ginagamit sa pansariling interes, pinagsasamantalahan ang diwa ng party-list system sa halip na isulong ang tunay na adhikain nito, ay mas mabuti pang ito ay buwagin na.

SURRENDERED

Amianan Balita Ngayon