Mga Hamon ng Taon

HULI MAN DAW at may kagalingan, may kabuluhan pa rin. Kaya naman, unang araw makaraan ang unang bigwas ng Taong 2022, pabayaan muna nating lumipas ang mga nagdaang kasayahan, at may halong kapabayaan, upang ating bigyang halaga ang mga hamong ating hinaharap.

Gaano nga ba tayo ka-ligtas sa patuloy na pag-usad ng mga susunod na araw, linggo at buwan? Disyembre nang rumagasang parang delubyo ang super storm na Odette sa Kabisayaan at Mindana, habang unti-unti ay binangungot tayo ng napakatahimik at pailalim na pagdating ng isa pang delubyo, ang Omicron.

Habang buong tikas at tapang ng loob nating binalikat ang dalawang ika nga ay super duper whammy, todo saya naman nating idinaos ang Pasko, kumpleto rekados na pinasinayaan ang hapag kainan at pinagsalu-saluhan ng magkaka pamilya, magkaka-maganak, magkakapit-bahay.

Ang iba naman, na gabi-gabi ay ibinubulatlat ang mga karanasan sa mga sinalanta ni Odette, ay heto, kanda-kumahog na nangolekta ng maibabahagi sa mga sinawing-palad na kapwa Pilipino — mga Waray, Cebuano, Ilonggo, at iba pang Bisaya, mga taga Mindanao, lalo na sa Cagayan de Oro, sa Surigao del Norte, ang mga isla ng Siargao, Dinagat, at maging Camiguin.

Tiyak na aabutin ng buwanan bago pa man makaahon ang mga Pilipinong ginulantang ng bagyong super daw kahit ano pa man. Walang koryente, walang wifi, walang tubig na maiinom, walang pagkain, walang mga materyales na pangangailangan upang muling maitayo ang nagibang mga tahanan — iyan po ang mga eksena ng Pasko ng Pinoy sa gitna ng nakabulagtang buhay na dulot ni Odette, at nga binabantaang kaligtasan dulot naman ni Omicron.

Ang mga pulitiko — aba, laking himala, at tila nagmukhang tulala at tuliro, pabilisang nagsipaghanda ng anumang madadala sa mga lugar na sinalanta — ay tunay na pulitikong maituturing. Hindi palalampasin ang pagkakataon ng makunan ng camera, lalo na kung pang-TV, upang maibahagi ang pusong nagdurugo, ang mukhang awing-awa sa pighati, at ang mga pananalita na kailangman ay hindi pababayaan ang sakuna ng buwan.

Ngunit, ngayong ikalawang araw ng 2022, nararapat lamang na ating itaas ang bandila ng pag-iingat laban sa Covid-19 na halos ay 2 taon ng kinakatakutan, kinasisindakan, dahil na rin sa walang habas na pananalasa kalusugan at kabuhayan.

Ito nga pong si Omicron ay kasalukuyang humahagibis sa maraming bansa sa buong mundo. Ang mga kaso ng impeksyon ay lampas 100,000 araw-araw sa mga lugar sa Europa, sa Estados Unidos, at maging sa Africa na kung saan isinilang si Omicron.

Ang sabi ng mga mapagkakatiwalaan ulat, higit na mabilis makahawa si Omicron, gasegundo ang pagitan laman, at
hanggan 8 t 10 katao ang kaya nitong hawaan. Sa Amerika nga ngayon ay todo bilis ang pagpapatupad ng mandated testing sa kanilang mga populasyon, patunay na kailangang bumalik sa “basics” ang mga gobyerno, doon sa panimula ng laban kontra covid, upang malaman sa mga testing at contract tracing na gagawin, ang lawak at bilis ng hawaan.

Sa ganitong mga pangyayari, hindi ba tayo nababahala,nasisindak, at nagugulantang? Sa Kamaynilaan, napansin na ng mga tagasaliksik ng datos na unti-unti ng umaakyat na muli ang madramang pagbagsak ng mga kaso.

Itinatayang sa loob ng 2 linggo, malalaman kung ang nakaraang mga selebrasyo ng Kapaskuhan ay nagdulot ng hawaan, at kung ganoon, ay gaano ka-grabe ang pagsipa nito.

Bagong taon, bagong pagkakataon upang muling sagupain ang pinakabagong variant, ang Omicron. Gaano tayo kahanda? Gaano tayo ka-ligtas upang maiwasang hindi mahawa sa panahong apat na tao na ang kumpirmadong mayroong Omicron sa kanilang mga pangangatawan?

Kung dito sa Baguio ay tila bukas na landas ang pag-dalaw ng mga turista at bisita, muli kayang ibabalik ang mga paghihigpit kapag nakitaan ang mga listahan ng pagsipa ng mga kasong nito nakaraang buwan lamang ay nasa bilang lamang ng mga daliring sa isangh kamao?

Ang mga bagong hamon na dulot ng Omicron ang nararapat lamang na muling harapin ngsinomang namumuno at ng sinomang pinamumunuan. Ang laban kontra covid, maging sa Omicron ay laban ng lahat.

Kailangang pursigihin ng maayos ang patuloy na pagpapatupad ng mga basic health practices — ang regular na paghuhugas ng mga kamay, ang pag-talima sa social distancing ng isang metro sa bawat indibidwal, ang palagiang pagsusuot ng facemask, kahit na tawaging banido at bandida sa unang tingin.

Aahon tayo, babangon tayo ng tuluyan, sama-sama nating pagiibayuhin ang laban na ito, hindi lamang ng iilang sector, kundi ng bawat Pilipinong tunay na Bayanihan ang dapat ay pairalin sa bawat sandali, araw at linggo ng Taong 2022.

Dyan tayo lubuslubusang aangat at muling maibabalik at sigla, ganda, at gayuma ng Baguio. Sa mga hindi pa bakunado,
wag ng hintayin ang susunod na Pasko, dahil baka hindi kayo igalang na ni Omicron.

Lakad na, takbo na, at hayaang itusok ang bakunang proteksyon hindi lamang ng naineksyunan, kundi pati ating pamilya.

Kung hindi ngayon, kalian pa? Kung hindi tayo, sino pa?

Amianan Balita Ngayon