“Tama na…. Sobra na… Wag na si William Dar sa kagawaran ng agrikultura”

Nanggagalaiti sa galit ang mga lokal na poultry growers sa patuloy na ugong na magpapatuloy na magpahirap sa kanila si Agriculture Secretary William Dar.

Paki-usap nila sa papasok na administrasyon ni PBBM ay magtalaga ng isang kalihim na tatangkilik sa pagbangon ng industriya ng manukan at hindi ang pag-angkat ng manok at iba pang produktong agrikultural na pumapatay sa lokal na agrikultura na bansa.

Walang ibang nakita sa panunungkulan ni Dar sa Kagawaran ng Pagsasaka kundi importasyon ng mga produkto, ayon sa Broiler Raisers Association (UBRA) na binubuo ng mga small at mediumscale broiler raisers.

Ayon sa tagapangulo ng UBRA na si Elias Jose M. Incion at Chairman nito na si Gregorio A. San Diego, walang ibang itinaguyod ang DA kundi importasyon. Naging sunod-sunuran si Dar sa “import liberalization” na idinuldol ng mga “neoliberal economists”.

Nakailang sambit ang DA na magbebenepisyo ang karaniwang Pilipinong mamimili mula sa imported na mga produkto.

Ngunit, sa kabaliktaran, tanging importers lang ang kuyakoy ang buhay at nalugmok ang mamamayang Pilipino sa hirap.

Bukod pa’y hindi umunlad ang agrikultura ng bansa sa kalakarang neo-liberal bagkus, napaglaruan ng kahungkagan ng supply-demand doctrine at free market.

Bukod pa’y inilagay ang lokal na agrikultura sa panganib ng climate change at deglobalization dahil sa sobrang “import dependence” kaya ano man ang mangyari sa mga agrikultura ng mga pinagkukunan mg produkto sa labas ng bansa, labis ang epekto sa ating Pilipino.

Nangako na si PBBM na walang puwang ang katiwalian sa kanyang panunungkulan. Sana’y hindi maulit ang mga nasilip sa DA ng COA na sa taong 2020, mayroong P9.454 billion disallowances, audit suspensions at charges; P17.542 billion na unliquidated fund transfers sa implementing agencies at NGOs/POs; P20.210 billion unliquidated fund transfers ng mga nakaraang taong panunungkulan ni Dar; at P9.806 billion na ibinalik sa National Treasury na nagpapakita ng hindi mahusay na pangangasiwa sa pondo ng ahensya.

PBBM, tama na…. palitan na ang kalihim ng DA ng isang mahusay, maka-magsasaka at maka-Pilipinong Kalihim na magbabangon muli sa agrikultura ng bansa.

Amianan Balita Ngayon