Ipinagdiwang ng buong mundo ang International Earth Day noong Abril 24, 2024 upang ipanawagan muli ang maingat na pangangalaga sa kapaligirang binabagabag ng samu’t-saring isyu. Isa na ang patuloy na paggawa ng pribadong pier sa pagitan ng San Narciso at San Felipe, Zambales para sa sand mining ng Ponge and Associates Construction Company (PACC), kahit natigil ang seabed dredging project ni Governor Hermogenes Ebdane dahil sa
malawakang pagtuligsa sa proyekto.
Sa nais ng malaking ganansya sa pagmimina at pagbebenta ng buhangin para sa reclamation projects sa NCR at kung saan pa, hindi isinasa-alang-alang ang malaking epekto ng sand mining sa mga dalampasigan. Sa kabila ng pagpapatigil ng DENR EMB Region III sa paggawa ng pier dahil nilabag ng PACC ang Environmental Compliance Certificate (ECC) nito nong Marso 2023 dahil sa mga protesta, ginawaran ito ng Provisional Permit ni dating
DENR Region III RED Paquito Moreno noong July 2023 matapos maglagak ng P200K bilang multa.
Ayon sa Zambales Ecological Network (ZEN), hindi batid ng DENR EMB Region III na dapat protektahan ang dalampasigan ng San Felipe dahil ang mga pawikan na Olive Ridley na namumugad doon tuwing nangingitlog ay hindi endangered species. Kinalimutan na siguro ng DENR na ang mga dalampasigan ng Zambales, kabilang ang San Narciso, ay mahalaga sa mga Olive Ridleys na tinaguriang “keystone species” dahil sa mahalagang tungkulin nila sa pagpapanatili ng balanseng ecosystem.
Kung tutuong pangangalaga sa kapaligiran ang tungkulin ng DENR EMB Region III, tuluyang ipatigil na nito ang pagtatayo ng pier ng PACC sa pagitan ng bayan ng San Narciso at San Felipe. Kung tumatalima ang DENR bilang pangunahing tagapagtaguyod ng kapaligiran, ibasura nito ang Department Administrative Order 13 series of 2019 (DAO 13, s. 2019) na nagbigay katuwiran sa dredging sa ilog Bucao sa Botolan, Zambales, Maloma sa San Felipe at Sto. Tomas na bumabagtas sa mga bayan ng San Marcelino, San Narciso at San Felipe. Hindi pagsasaayos sa mga
binuhanging ilog ang puno’t dulo ng pakay ng DAO 13, series of 2019, kundi’y pagbebenta ng buhangin upang magkamal ng malaking ganansya sa kabila nang malaking pinsala sa kapaligiran.
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
September 7, 2024
August 31, 2024