TULOY ANG INIT

OK naman tayo dito sa Baguio. Ang tag-init ay patuloy pa, ngunit hindi gaano nakakaaoekto sa arawaraw. Isa lang ang dahilan: kakaiba ang Baguio. Unika iha na nasasabi. Paraisong binubuhay ng kanyang klima. Sa ibang lugar sa Pinas, tostado na ang mga Pinoy. Ang tagtuyot ay patuloy na humahampas at ang init ng panahon ay walang preno sa pagbulosok. Sobra sa init ang nararanasan. Lampas sa mga matayog na gusaling nakikipagtunggali sa pagpapataasan.

Kung anuman, hindi lamang sa Pinas may trahedyang dulot ng lampasgusaling init. Sa Asya, higit ang tagtuyot na nararanasan – Thailand, Vietnam, pati Tsina. Sa kaMaynilaan, ang init ay tagos-buto. Tatlong beses sa isang araw ang pagpaligo, maibsan lang ang panahong tag-tuyot. Pati nga ang hidwaan sa West Philippine Sea, eksena na
naman ng pagpapakita ng Tsina ng pwersang tubig ang ibinuhos sa ating mga munting barko. Pati bangkang pangisda, ginawang target practice.

Ano ang naging reaksyon ng gobyernong Pinoy? Relax, hindi rason ang gumanti. Daanin sa pasensya at pagkalma.
Karaniwang reaksyon ng karaniwang mamamayan: Bulwakan ng tubig ang mga Tsinong umaangkin sa ating
karagatan. Samahan pa ng pagdura na sama-samang ibuga. Tit for tat ‘ika nga. Ngunit dahil sanay na ang mga Tsino sa ugali ng Pinoy, tuloy-tuloy ang pag-alipusta sa ating dangal. Ang pagyurak sa anumang natitirang karangalan
ng lahing hitik sa kabayanihan.

Ang Tsina ay walang ginagalang na batas sa karagatan. Tuwiran nyang kinakamkam ang tuwirang pag-aaari ng Pinas. Binabalahura ang katapat ang Pinoy sa karagatan Pinoy. Hanggan kailan ang pagpapasensya ng Pinas sa
pagyurak ng pambansang karangalan? Kailangan pa bang tulad nila, tayong Pilipino ay may kasaysayang hitik sa
pagpapasakit? Kailangan pa bang ilahad ang mga pagbuwis ng buhay na ating inalay maipagtanggol lang ang dangal
ng isang bansa?

Ang lahing Pinoy ay hindi nagpapatunag. Mahaba man ang pasensya natin, mayroon siyang hangganan. May
panahong darating na sisilakbo rin ang alab ng isang makabayang lahing itinutingala sa tapang ng dibdib at tibay ng
loob. Kaisa tayong taga-Baguio sa hangaring maging panatag sa gitna ng mga pag-alipusta sa dangal ng bayan.
Bukas-palad ang Baguio na ibahagi sa lahat ang natatanging karanasan sa lungsod lamang mailililok. Huwag sanang maliitin ng sinoman ang lahi ng Baguio na yumabong sa pag-aruga ng Inang Kalikasan.

Sa manlulupig, hindi kailanman masisiil ang alab ng pagiging taga-bundok, ng tagaBaguio. Gsyun pa man, tunay na
kakaiba ang gayuma ng Baguio sa panahon ng tag-init. Bakit nga naman magtitiis na halos matunaw ng init ng panahon? Bakit nga naman ipagkikibit ng balikat ang hagupit ng El Niño? Nandyan ang Baguio – ang tanging lugar sa buong Pinas na pantapat sa tag-init. Narito ang Baguio na paboritong destinasyon ng mga Pilipinong ang tanging hangarin ay makahulagpos sa hampas ng init.

Nariyan ang Baguio na isang kakaibang lugar na binubuhay ng sariwang hangin at dalisay na kalinga ng Inang
Kalikasan. Sa Baguio, Iisa ang tibok ng puso, dala ng kapatiran na hindi papaagnas panahon man ay lumipas. Sa Baguio, ang tuwa o dalamhati ay bunga ng alab at rubdob ng pagmamahal. Sa muli at muling pagkikita, karaniwan ng pinagsasaluhan ang katas na sa pagmamahal lamang bubukal. Kung nagkaroon man ng pighati, niwawaksi ng tuluyan. Layang iniiwan ang mga tanda ng pamamaalam, ng panlalamig, ng ano pa mang dinaramdam.

Hinahayaan lang na isantabi, tuwiran lang na isinawalang kibo, at hayagang ginagawang maging muling bukambibig ang mga katagang nilunod ng mga daluyong na kinimkim ng kay tagal. Sa Baguio, karaniwan ang pagbabalik sa mga nakagawian. Balik sa nakalakhang dating ugali. Ang pagiging mabuting tao. Mabuti sa lahat ng bagay ng pakikipagkapwa-tao. Hindi lamang pamilya ang trato sa kanila kundi pamilya ang maging turing sa atin.

Sa panahon ng tag-init, bigyang daan na muling sariwain ang tradisyong Pilipino likas naman sa atin. Muling ipagdiwang ang galak ng muling pagkikita sa mga panahon ng pagsasama-sama. Kaya naman, maluwag nating tanggapin ang agos ng buhay – kalmado ngayon, ngunit walang babala kapag naging daluyong. Maging uliran sa bawat araw na ating ihahasik ng buong pagmamahal, katapatan, at kabutihan.

Kung ang agos ng buhay ay mistulang bula na inililipad sa papawirin, ganoon din ang muling pagkikita – biglaan sa
Ilan, inaasahan sa may alam. Hindi presyo, bagkus ay halaga ang pagsukat sa anumang buhay. Ang pagkikita at pagdadaup-palad. Kailanman ay hindi sya hangganan lamang. Mayroon pang antas na tatawirin at lalampasan. Ang buhay ay muling uusbong at lalago sa bugso ng galak at sigla ng muling pagbangon. Iyan ang halaga ng muling
pagbangon, pag-ahon, at pagtahak sa bagong landas.

Amianan Balita Ngayon