PDEA hiling sa Uber at Grab, buksan ang packages

Hiniling ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga operator ng transportation network vehicles services (TNVS) na Grab at Uber na buksan ang mga packages na ipinapadala sa pamamagitan ng kanilang mga driver upang malaman kung nagagamit sila sa pagpapadala ng droga.
Sa pagbubukas ng mga package ay mapipigilan ang mga driver na magamit bilang drug couriers, ito ang pahayag ni PDEA Director General Aaron Aquino ayon kay PDEA spokesman Derrick Carreon.
“To Grab and Uber operators and drivers, please exercise due diligence to prevent your line of work from being tainted with involvement with illegal drug activities,” dagdag ni Aquino.
Nagpulong ang PDEA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasama ang operators ng Grab at Uber Taxi upang matugunan ang isyu na nagagamit ang kanilang drivers sa pagpapadala ng illegal na droga.
Inamin ng suspek na ecstasy dealer na si Jovit Atillano na umaarkila siya ng mga TNVS drivers upang ideliver ang mga package na may lamang illegal na droga sa kaniyang online clients.
Naaresto ang suspek na nakunan ng 500 piraso ng party drugs at iba pang illegal na droga na nagkakahalaga ng P1 milyon ng PDEA agents noong nakaraang linggo sa kaniyang condominium unit sa Mandaluyong City.
Nagpahayag ng suporta ang Uber at Grab sa suhestiyon ng PDEA.
Itinutulak ng PDEA ang paglikha ng memorandum of agreement sa pagitan ng PDEA, LTFRB, Uber at Grab upang pag-usapan ang mga polisiya para matugunan ang isyung ginagamit pampublikong transportasyon sa mga aktibidad ukol illegal na droga. ABN

Amianan Balita Ngayon