Pito kulong sa magkakaibang paglabag

CAMP BADO DANGWA, La Trinidad, Benguet – Inaresto ng mga operatiba ng Police Cordillera ang pitong katao mula Disyembre 22 hanggang 23, 2018.
Tatlo ang hinuli sa pagsusugal; isang Sudanese national dahil sa sexual abuse sa Baguio City; isa sa illegal possession of firearms sa Kalinga at dalawang wanted persons sa Abra.
Kinilala ang mga inarestong nagsusugal na sina Rex Casillap Ramos, 38; Marlon Pascua Ferrer, 34; at Chris Ilumin Maynes, 20.
Dinakip sila sa isang anti-illegal gambling operation na isinagawa ng mga personnel ng Police Station 2 ng Baguio City Police Office (BCPO) sa terminal 2 Barangay Sto. Nino, Slaughter Compound, Baguio City noong gabi ng Disyembre 22.
Nakumpiska sa kanila ang nasa P1,260 pusta na pera at gambling paraphernalia.
Inaresto naman ng mga operatiba ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng BCPO ang isang Sudanese national na kinilalang si Awad Ali Yousif Awad, 23, matapos nitong seksuwal na abusuhin ang isang 21 taong gulang na babae sa kaniyang tinitirhan sa BPI Compound, Dangwa St., Guisad, Baguio City noong Disyembre 23.
Samantala, inaresto si Fidel Buggat Binoloc ng mga personnel ng Tabuk City Police Station (CPS) at Kalinga Provincial Mobile Force Company (KPMFC) dahil sa pag-iwas nito sa isang checkpoint at hindi makapag-pakita ng mga kaukulang dokumento para sa Kalibre 45 pistola at magazine na may kargang pitong bala na kaniyang dala-dala hapon ng Disyembre 22.
Gayundin, sa pagsisilbi ng mga mandato de aresto sa Abra ay dalawang indibiduwal ang hinuli ng Pilar Municipal Police Station (MPS) at Tayum MPS bandang hapon ng Disyembre 23, dahil sa krimeng pagnanakaw. Kinilala ang mga arestado na sina Ronald Allan Escobar, 28 at isang lalaking menor de edad.
Nahaharap ngayon ang lahat ng mga naaresto ng kaukulang kaso na ipinila laban sa kanila sa korte.
Sinabi ni PCSupt. Rolando Z. Nana, regional director ng Police Regional Office Cordillera (PROCOR), na hindi titigil ang mga operatiba ng police ng PNP Cordillera hangga’t lahat ng masamang elemento ay makulong at mabigyan ng hustisya ang mga pamilya ng kanilang mga biktima.
Lalaki nagkulong sa bahay matapos binaril ang kapitbahay La Trinidad, Benguet – Isang lalaking mentally-challenged ang nagkulong sa sariling bahay matapos nitong binaril ang kapitbahay noong Disyembre 27 ng umaga sa Peñarrubia, Abra.
Sinabi ng lokal na pulis na nakikipagkasundo pa sila kay Edgardo Diggay upang isuko nito ang sarili matapos nitong binaril si Benjamin Blaza Torres dakong 7am ng naturang araw habang naglalakad ang huli sa tapat ng bahay ng suspek.
Nagtamo ng tama ng bala ng caliber 22 revolver sa kanang kamay si Torres at isinugod sa Abra Provincial Hospital.
Sinabi ng kapulisan na ang baril ay nananatili kay Diggay, na nagkukulong pa rin sa bahay nito hanggang noong Disyembre 28.
A.ALEGRE

Amianan Balita Ngayon