BUGUIAS, BENGUET – Ibinida sa Agri-Tourism Trade Fair na bahagi ng 1st Albubo Festival ng Buguias ang iba’t ibang produkto ng 14 barangays ng munisipyo nito.
Ayon kay Mayor Ruben Tindaan, layunin ng aktibidad na ipakilala ang iba’t ibang produkto ng mga barangay ng munisipyo sa pamamagitan ng mga booth na itinayo sa Loo National High School grounds.
Nilinaw niya na ang aktibidad ay idinaos para mabigyan ng pagkakataon ang mga barangay na ipakita ang mga natatanging produkto nila. Dagdag pa niya, ang trade fair ay isang paraan para maipakita kung bakit binansagang “Vegetable panorama of the North” ang Buguias.
Ayon naman kay Benjamin Palbusa, Indigenous People Mandated Representative ng Buguias, isang paraan din ang aktibidad para maipakilala sa mga tao ang mga destinasyon sa kanilang lugar na maaaring dayuhin ng mga turista tulad ng Mummy Anno, Tiking Agindang at Poblacion Hot Springs.
Kabilang sa iba pang aktibidad ng Albubo Festival ang Search for Mr. and Mrs. Senior Citizen, youth concert at drum and lyre contest.
Inaabangan din ang “Ukob” na isang tradisyunal na paraan ng salo-salo habang kumakain sa balat ng puno ng saging at bao ng niyog.
Nagsimula ang Albubo Festival noong Pebrero 27 at magtatagal hanggang Marso 8. Layunin ng pagdiriwang na muling buhayin ang mga tradisyon at kultura ng Buguias na unti-unti nang nawawala.
Ayon kay Satur Payangdo, tourism officer ng Buguias, ang Albubo ay salitang Kankana-ey na ang ibig sabihin ay tradisyonal na pagtulong. Nilinaw niya na ang Albubo ay hindi lamang ginagamit sa tuwing may naghihirap sa isang komunidad kundi sa kahit anong pangyayari. Dagdag pa niya, ang Albubo ay isang paraan ng pagtulong sa mga residente lalo na sa mga nangangailangan. Malou Aticao, UB Intern / ABN
March 4, 2017
March 4, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024