PROTEKSIYON AT MGA BENEPISYO NG MGA OFW DAPAT SIGURUHING MATUPAD NG GOBYERNO

Ang kabuuang ipinasok ng mga Overseas Fililpino Workers (OFWs) sa bansa noong Disyembre 2022 ay nagtala ng record sa isang buwan na USD3.49 billion at sa isang buong taon na buong-panahong pinakamataas na record na USD36.14 billion na tumaas ng 3.6 porsiyento. Sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang cash remittances noong nakaraang Disyembre ay nakapagtala ng taunang pagtalon ng 5.8 porsiyento sa USD3.16 billion, tumaas mula sa nakaraang taon na USD2.99 billion.

Inaasahan ng mga eksperto sa pagbabangko at pananalapi na gaganda pa ang remittances dahil sa mas maraming pagbubukas at pagbawi ng mga ekonomiya ng mga tumatanggap sa mga OFW. Ang mga bagong pangyayaring ito ay magbubukas ng mas marami pang oportunidad para sa paglikha ng trabaho na nabebenipisyuhan ang mga OFW, at iba pa. Ang mataas na buwanang padala ng mga
OFW ay isang maliwanag na lugar para sa ekonomiya ng Pilipinas kung ang pag-uusapan ay pagpapasigla at pagsuporta sa paggastos ng mga tao, na bumubuo ng nasa 75 porsiyento ng ekonomiya, at pabalik sumusuporta sa mabilis na GDP (gross domestic product) at paglago ng ekonomiya.

Ang mga ipinapadala ay umaambag ng nasa 9 porsiyento ng annual output ng bansa sa loob ng ilang dekada na at ang mga ito ay kabilang sa matatag na pinagkukunan ng foreign reserves ng ating bansa Ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa ay kinikilala at tinatawag na mga makabagong bayani ng ating bansa dahil sa hindi matatawarang ambag nila sa ekonomiya ng Pilipinas, mula noon magpahanggang ngayon. Na kahit pa magsakripisyo at iwan ang mga mahal sa buhay lalo na ang mga anak maigapang lamang ang pamilya na makatikim ng kaunting ginhawa sa buhay.

Ngunit sa kabila ng kanilang napakahalagang papel na sa tuwina’y nagliligtas sa bansa sa kagipitan dahil sa kanilang mga padalang pera ay nakakaranas ang marami ng mga hindi magandang karanasan at pangyayari. Napakasaklap na ang minimithing sagana ng ilan nating nagbabakasakaling OFW ay humantong sa mas lalong kapahamakan sa ibang bansa, inaabuso at ang sukdulan ay pinapatay pa – ang pinakahuling biktima ay si Jubielyn Ranara na inulila ang apat na batang mga anak.

Ang mas masaklap pa kung minsan ay nalakaranas ang ating mga OFW ng pang-aabuso at pagwawalang-bahala mula sa mismong mga opisyal, ng mga hindi magandang pagtrato ng ilang mga kawani ng mga ahensiyang sumasakop sa kanila na kung tutuusin ay utang na loob nila ang kanilang sinasahod mula sa pawis at luha ng mga OFW. Marami ng mga batas na inukit ng mga mambabatas para sa kapakanan ng mga migrant workers, subalit bakit mapaghanggang-ngayon ay may mga biktima pa rin? May mga naaabuso pa rin? Kulang pa ba ang mga batas o baka naman hindi lang naipapatupad ng maayos at tama.

Sa tuwing may mga kaso ay nagtuturuan ang iba’t-ibang ahensiya, naghuhugas kamay ang ilan, Ang mga opisyal na nagpapapasasa sa pagod ng mga OFW ay walang karapatang umupo sa puwesto at sa pagkakaroon ng Department of Migrant Workers (DMW) ay magkaroon naman ng pagbabago at
maging maayos na ang kalagayan ng ating mga OFW. Nakakapanghinayang isipin na tila malayo pa nating makakamit ang pangarap na wala sanang mangingibang bansa upang magtrabaho para sa ibang lahi, magkagayunman, sa ngayon ay dapt magkaroon ng tunay na proteksiyon at benepisyo ang mga OFW, dati man o mga kasalaukuyang  OFW.

TURNOVER

Amianan Balita Ngayon