Public protection and safety summit, itinakda sa Sept. 15

Magsasagawa ang konseho ng Baguio ng isang summit sa public protection and safety at peace and order sa Setyembre 15 sa Benguet Electric Cooperative (BENECO) Multipurpose Hall sa South Drive.
Sinabi ni Brenner Bengwayan, city council secretary, na layon ng kumperensiya na ipunin ang inputs at concerns sa kasalukuyang peace and order situation sa lungsod at gabayan ang konseho sa mga hinaharap na lehislatura.
Sa summit ay ipiprisinta ng mga miyembro ng city council committee on public protection and safety na dating pinamumunuan ni Councilor Roberto Ortega at tatalakayin ang ilang kaugnay na legislative proposals at mag-ipon ng inputs at reactions bago iprisinta ito sa konseho para sa kaukulang aksiyon.
Kaalinsabay nito ay ipiprisinta rin sa publiko ang ilang istratehiya, proseso at operasyon para makamit ang katahimikan at kaayusan sa lungsod.
Inimbitahan ang mga opisyal ng barangay at mga residente sa nasabing summit upang ibahagi kung paano nila maitatatag ang mas malapit na working relationship sa mga concerned agencies at gawing ‘safe, drug-free, at crime free’ ang kanilang hurisdiksiyon. Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na tamang-tama ang summit dahil sa pinaigting na security concerns na hinaharap ng bansa kaugnay sa droga, terorismo at iba pang krimen.
Pinangunahan ni Domogan ang pagpupulong ng City Human Rights, Justice, Peace and Order Council kung saan ang city police sa ilalim ni Police Director Ramil Saculles ay humingi ng kooperasyon sa iba’t ibang sektor para sa implementasyon ng anti-crime measures partikular sa mga barangay. ABN

Amianan Balita Ngayon