PUJ phaseout, tinutulan ng transport groups

Nagtipon ang jeepney transportation groups sa Baguio at Benguet, sa pangunguna ng Alliance of Jeepney Operators and Drivers Associations in BLISTT Inc. (Ajodabi) at Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston)-Metro Baguio para sa Baguio-Benguet Movement Against PUJ Phaseout (BBMAPP) noong Pebrero 27 sa Igorot Park.
Ayon kay Cristiu Lagyop, presidente ng Ajodabi, kaya sila nagtipon laban sa proposal ng Department of Transportation na pagpapatanggal sa pasada ng mga 15 na taong gulang pataas na dyip ay dahil maraming mawawalan ng trabaho at hindi nila kaya ang P1.5 milyon para maabot ang kwalipikasyon na napapaloob sa proposal.
Aniya, dapat magbigay ang gobyerno ng “win to win solution, hindi phaseouting. Ang kailangan dyan, anong problema ng jeep ngayon, inspect nila. Kung necessary na improbahin natin, improbahin natin.”
Dagdag naman ni Carlito Wayas, president ng Piston-Metro Baguio, nang itanong kung aabot sila sa tigil pasada sa lungsod, “Siyempre kung titignan mo unti-unti ka ngang pinapatay ng gobyerno, hindi ka pa lalaban, so mas maganda yung lumaban ka na lang.”
Dagdag niya, wala namang problema sa modernisasyong plano ng gobyerno, kung tutuusin maganda ito; ngunit sa parte ng PUJ phaseout, doon sila hindi papayag.
Nakisama sa pagtitipon sina Councilor Art Alad-iw at Councilor Joel Alangsab na nagpasa ng isang resolusyon para sa mga grupong dumalo tungkol sa phaseout.
Pinaalalahanan ni Alangsab ang mga transport groups na kailangang balansehin ang kanilang interes at interes ng publiko, matuto umano silang mantenahin ang kani-kanilang mga dyip. Noreen D. Cruz, UB Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon