Pulis may nagisa, meron ding pinarangalan

Daplis Walang Mintis Opinion

Kamakailan nagluto si Pres. Duterte na siya mismo ang Chef. Ang putahe ay ginisang sinahugan ng kilo-kilong mura at halos di makaing rekado gaya ng Put…at iba pang maanghang na spices. Sabi nga nila kahit pa unggoy na isang buwan na ginutom ay hindi kayang lunukin ang niluto nii Pres. Digong. Siyento porsiyentong isusuka ang menu. Tanong: sino-sino kaya ang pinakain sa espesyal na putaheng ire ni Pres. Duterte? Bah, sino fe? Napanood ng buong lipunan at sangmunduhan na ang pinalamon ay mga tiwaling pulis! Mahigit daw isang daan ang binundat ng putaheng punong-puno ng rekadong mura! Sus ginoo! Parang mabagsik na leon ang umupak sa mga natamemeng tulis, este Pulis! Walang nagawa ang mga tiwaling parak kundi lunukin at isa-bituka ang putahe ni Digong.

**********

Sila lang ba ang nasabon? Sila lang ba ang tiwali? Ang sagot:  Hindi! Tiyak sila lang ang natokahang humarap sa pangulo sa Murahan blues sa Malakanyang. Mas marami pa raw ang hindi nakasama sa brigada de sabon. Katunayan, mahigit sa isang libong pulis sa bansa ang kasama diumano sa Narco List.  Susmaryusep! Sila raw ay mga protector at nasa illegal na drug trade.  Maaring iba pa rin ang mga nahuling dawit sa illegal na droga. Meron ding mga lumaban kaya itinumba. Kamakailan lang ay may utos na si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde na itotokhang din nila (PNP) ang kanilang mga kabaro na nagsisilbing protector ng droga at sangkot sa illegal drug trade sa bansa. Daplis ni Albayalde: “Yong mga kababayan natin na nasa watchlist lang, tino-tokhang natin, why can’t we do it to our police personnel also. Sabi nga natin wala tayong sinasanto dito whether you are a policeman, ordinary civilian or politician.” Dagdag pa ni Albayalde na walang masama kung pati mga pulis ay isailalim sa surveillance sa pagbibigay ng proteksiyon sa illegal na droga ay isama na rin sa itotokhang kaugnay ng puspusang internal cleansing ng PNP.

**********

Kamakailan din maraming pulis ang nabuking na natutulog sa duty at kung ano-ano pang krimen na kinasangkutan. Marami ang nasibak sa puwesto at nailipat lang bagamat meron din daw mga nakasuhan. Ang masaklap, binawi ng pangulo ang banat niyang nauna na ipatapon sa Mindanao o sa Basilan at Sulu ang mga tiwaling pulis. Huwag na lang daw. Kakasuhan na lang at tanggalin sa serbisyo ang mga guilty. Ang rason: kahit daw dalhin ang mga ito sa sulok ng Mindanao kung ganun pa rin ang kanilang pag-uugali, inililipat lang daw natin ang problema sa ibang lugar. Tama  ang pangulo, di ba? Dagdag naman ng mga legal analysts: dapat sa mga nagkasala, hindi lang tiwalag sa serbisyo kundi ikulong katumbas ng pagkakasala.

**********

Kamakailan din sa likod ng tinamong mura at putaheng di makain ng tao ng mga tiwaling pulis, nabigyan din ng kaukulang pagkilala at pinarangalan ng PNP ang mga karapatdapat na mga alagad ng batas. Isa rito ang Baguio City Police Office (BCPO) na pinarangalan bilang City Police Office ng buong Pilipinas. Meron ding natanggap na parangal ang La Trinidad Police Station sa kanilang kategorya. Pagpapatunay lang na may lugar ang mga matitinong alagad ng batas ganun din sa mga anay. Suhestiyon: dapat magkatuwang ang mga pulis at barangay officials sapagkat sila ang nakakakilala sa mga tulak at adik sa kanilang lugar. Goodluck sa inyo bago magluto uli si Pangulong Digong na bagong putahe.  Adios mi amor, ciao, mabalos.