Ratsada kampanya politikal, umarangkada

Umarangkada na ang kampanya-politikal para sa lokal. Kung sa dati ay silipan at gapangan, ngayon ay lantarang ratsadahan na mga kabayan.

Simula na ng banatan, siraan, plastikan, sumpaan o pangakuhan at labasan ng mga luma at mga bagong modus upang makalambat ng boto. At katumbas ng bawat hakbang ay pera, datung, bread, kuwarta at money pa.

Ang masakit, kung ito’y may katumbas na takutan gamit ang goons at sandata. Natural, ang suma-total ay parang bahay pukyutan ang lungga ng mga partido-politikal na binato at sabay-sabay nagliparan ang makamandag na mga bubuyog upang maghasik ng kaguluhan sa lipunan.

Ang tanong: handa na ba tayo sa ganitong yugto ng ating buhay, mga pards?
******

Kung lito at tuliro pa rin tayo, narito ang ilang pahimagas: Mula sa kanilang mga palasyo, aabot ang mga kandidato hanggang sa suloksulok ng putikang mga barangay.

Makikihalubilo, makikipaghuntahan na parang kaisa ng lahat ng mahihirap at tribu, na kuno ay makatao silang lahat at ala maamong tupang nakikipagdaupang-palad. Sa bawat bitaw ng ratsada, bumabagyo naman ang kanilang mga pangako na akala mo’y mga anak ng Diyos at hindi galamay ng demonyo.

Mapagpakumbaba upang paniwalain ang taumbayan na wagas at malinis ang kanilang hangaring makatulong sa bayan lalo na ang mga maralita.

Grabe ang tamis ng kanilang mga dila na para bagang kay tagal na nilang nirepaso ang bawat katagang binibitawan. Nagiging makata sila at walang kapaguran sa yapusan, kamayan at pagdamay sa kanilang mga sisilaing mga biktima – ang mga botante.

At kapag nalisan na nila ang mabaho, marumi at maputik na balwarte ng mahihirap, ngiting aso na sila na babalik sa kanilang tunay na pagkataon–mapagmataas, arogante, mapagkunwari at
diring-diri sa putikang baryo ng mga nag darahop. Sabagay, hindi po sa nilalahat ang mga tumatakbong kandidato.
******
Kung merong rumaratsadang kandidato sa pamamaraang legal at taos at tapat ang hangaring makapanilbihan sa bayan, turing silang mga sugo ng pag-unlad at tunay na pag-asa ng sambayanan.

Ang problema lang, mahirap makilatis o mapagsino sa totoong sugo ng serbisyo sa bayan at yong mga pekeng naghahangad ng puwesto.

Yan ang malaking sagwil sa pag-unlad dahil nakakapili tayo ng mga huwad na lider. Napaniwala tayo sa kanilang de-asukal na mga pangako.

Ang iba sa atin ay hindi lang naniwala sa pangako kungdi may pakimkim pang datong kapalit ng boto. In short, may mga ibinebenta ang kanilang suporta kahit pa alam nilang hindi kuwalipikado ang iboboto.

Madali tayo kasing masilaw sa kinang ng regalo at pera. Ang resulta: pagsisisi sa bandang huli dahil bulok na kamatis pala ang ating nailuklok.
******
Kaya nagiging magulo ang ating eleksiyon dahil sa kagustuhang manalo sa ano mang paraan. May mga pulitiko kasing ayaw ng kumalas. At kung may mga kontra, diyan na dumadanak ang dugo.

Kaya sa pagpili ng karapatdapat, maging matatag laban sa ano mang klase ng panlalansi at pananakot. Mas matibay ang pondasyon ng ating bayan sa pamamagitan ng iyong legal at makatuwirang pakikialam.

Maging matatag na ipagtanggol ang ating karapatang pumili ng mga kandidatong batid nating sandigan ng ating pag-unlad at hindi sa pagkakawatak-watak.

Pagsinuhin ang mga tunay na public servant at hindi ang kanilang pansariling kapakanan ang pinapanginoon. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon