Sa pagkakatalaga kay ACT-CIS Party-list Representative Eric Yap bilang “caretaker” o tinatawag ding “legislative liaison officer” halos 40 araw ng mamatay si Benguet Congressman Nestor Fongwan Jr. ay nagulat at nadismaya ang maraming mamamayan ng probinsiya. May iba na nagpahayag ng pagiging bukas sa pagtatalaga ngunit karamihan ay nais ang isang “special election”.
Maaaring isipin ng mga kritiko na ang hakbang ay isang “political opportunism” upang mahawakan at makontrol ang “lone congressional district” ng Benguet. Hindi isang Cordilleran si Rep. Yap ngunit kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang kaniyang party-list ay nakakabit sa magkakapatid na Tulfo na hayag na mga taga-suporta ng Pangulo.
Hindi naman maikakaila ang pagiging malapit ni Speaker Cayetano kay Pangulong Duterte na siyang nagtalaga kay Yap. Hindi ito ang unang pagkakataon na naitalaga ang isang party-list representative at sectoral nominee o hindi taga-karatig distritong kinatawan ang pinaupo at magkaroon ng kapangyarihan sa isang distrito. Muli ito ay pagkalas sa 25-taong tradisyon ng pagpupunan ng bakanteng upuan sa kongreso.
Sa panahon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Noynoy Aquino ay pinaupo nila ang kanilang mga kaalyado bilang mga caretaker sa pamamagitan ng kaalyado nila mga Speaker.
Ayon kay dating House Speaker Felciano Belmonte Jr. na pinanindiganan ang appointment sa panahon niya at ni dating Pangulong Noynoy Aquino na kapuwa mga opisyal ng Liberal Party at namamayagpag noon ay gumagabay ang tradisyon sa pagpili ng kung sino ang ipapalit sa isang mambabatas na namatay, natiwalag, o naitalaga sa isang executive post, sinabi niya na walang mabigat at mabilis na tuntunin na dapat sundin.
Sa tradisyon, maaaring magtalaga ang Speaker ng isang caretaker ng distrito sa paraang:
– isang congressman sa kalapit na distrito;
– isang congressman na inindorso ng kapuwa mambabatas o kapartido, mga opisyal ng lokal na gobyerno mula sa kinauukulang distrito, o pamilya ng namatay o itiniwalag na congressman;
– ang chief of staff ng kinauukulang congressman dahil alam niya at pamilyar siya sa mga proyekto.
Ang pagkakatalaga kay Yap bilang caretaker representative – kung maging permanente – ay taliwas at labag sa batas kung saan ayon sa Republic Act No. 6645 o “or “An Act Prescribing the Manner of Filling a Vacancy in the Congress of the Philippines” na kung ang isang upuan sa kongreso ay nabakante isa at kalahating taon bago ang susunod na halalan ay maaaring hilingin ng Kamara sa Commission on Elections na magsagawa ng “special election” upang ihalal ang isang bagong kinatawan.
Nagpasa ang Benguet Provincial Board ng isang resolusyon na humihiling sa Kongreso na magsagawa ng isang special election upang punan ang nabakanteng posisyon ni Congressman Nestor Fongwan Sr. Ito ay ipinagbigay alam ni Vice Governor JohnnyWaguis kay House Speaker Alan Peter Cayetano noon pang Enero13.
Kinakailangan ng nasa PhP100 milyon upang makapagdaos ng isang special election, maliban pa sa pagrerehistro ng mga botante at pagkuha ng mga guro na magsisilbi – isang matinding proseso.
Ngunit sa mga pahayag ilang matataas na opisyal ng probinsiya na bukas sila at tanggap na ang pagkakatalaga kay Rep. Yap bilang caretaker ay tila magiging malabo na ang isang special election. Kung magkaganito man ay umasa na lamang ang mga taga- Benguet na sa loob ng mahigit na dalawang taon pang nalalabi sa termino ay mahusay na maalagaan ni Yap ang distrito kundi yayakapin muli ng mamamayan ang realidad ng pulitika.
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025