Rebelde, sumuko sa Mountain Province

LUNGSOD NG BAGUIO – Sumuko ang isang rebelde sa 503rd Infantry Brigade ng Philippine Army makaraan na siya ay pagbawalan na bisitahin ang maysakit niyang anak sa isang ospital sa Maynila.
Ayon kay Colonel Leopoldo Imbang Jr., ang sumukong rebelde ay miyembro ng Squad dos, Rehiyon Sentro de Gravidad ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng New Peoples Army (NPA).
Inamin ng sumukong NPA na ang kanilang grupo ang responsable sa pagpapasabog sa tapping point ng Hedcor noong October 10 sa Utocan, Norte, sa Bauko Mountain Province.
Aniya, ang pagpapasabog sa naturang pasilidad ay dahil sa hindi pagbigay ng Hedcor sa hinihinging revolutionary tax ng mga rebelde.
Ayon pa sa ibinigay na impormasyon ni Col. Imbang, sinabi ng sumukong NPA na noong binabalak pa lamang ng kanyang grupo ang pagpapasabog ay hindi siya sumang-ayon. Dahil dito ay inisip niyang tumiwalag sa kanyang grupo para magbalik loob sa gobyerno. Ginamit niyang rason and pagbisita sa may sakit niyang anak na nasa isang hospital sa Maynila pero hindi siya pinayagan.
“Ang hindi pagpayag sa kanya na bumisita sa kanyang may sakit na anak ang nag-udyok lalo sa kanya para tuluyang tumiwalag sa kanyang grupo,” ani Imbang.
Sumuko ang naturang NPA sa sitio Mabbay, Poblacion, Sagada Mountain Province.
Hindi muna pinangalanan ni Col. Imbang ang sumukong NPA para pangalagaan ang kaligtasan nito.
“Sa ngayon ay hinahanda na natin ang mga benepisyo para sa kanya at ng kanyang pamilya bilang kapalit ng kanyang pagbabalik loob sa gobyerno,” ani Imbang.
“Ngayong papalapit na ang Kapaskuhan ay hinihikayat natin ang mga kapatid nating mga NPA na magbalik-loob sa gobyerno. At ipinapangako namin na ibibigay namin ang anumang tulong, tulad ng livelihood programs at financial assistance mula sa gobyerno, para sila ay makapag-umpisa ng normal na buhay,” dagdag pa ni Imbang. DIONISIO DENNIS JR. / ABN

Amianan Balita Ngayon