CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Pinuri ni Region 1 Police Director Chief Superintendent Romulo E. Sapitula ang mga pulis sa Police Regional Office 1 (PRO1) sa malaking pagbaba ng kabuuang crime volume mula Enero hanggang Mayo 28, 2018 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Sapitula, ang pagbaba ng 15 porsiyento o 1,971 kaso sa kabuuang crime volume ay magandang indikasyon na ang Region 1 police ay ginagawa ang kanilang trabaho.
Base sa Crime Information and Reporting Analysis System (CIRAS) ng PRO1 Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD), may kabuuang 11,180 crime volume ang naitala ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na may 13,151 kabuuang crime volume.
Sa index crimes, na binubuo ng mga krimen laban sa mga tao tulad ng murder, homicide, physical injury at rape, at mga krimen laban sa property tulad ng robbery, theft, carnapping at cattle rustling ang naitala na may kabuuang 26% na pagbaba o 456 kaso o may kabuuang 1,303 ng 2018 habang 1,759 ng 2017.
Samantala, ang non-index crimes, na may kabuuang 13.30% o 1,515 na pagbaba ang naitala kung saan may kabuuang 9,877 kaso ngayon taon kumpara sa 11,392 ng 2017. Kabilang sa non-index crimes ay reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property; at paglabag sa special laws tulad ng illegal drugs, illegal logging, loose firearms, illegal fishing at local ordinances na kabilang sa ibang krimen na hindi kasali sa index-crimes.
Sa patuloy na paliwanag ni Sapitula, ang pagbaba ng parehong index at non-index crimes ay resulta ng agresibong anti-criminality drive at mas istriktong implementasyon ng anti-illegal drugs campaign sa buong rehiyon na kasama sa matibay na pagpapatupad ng special laws at iba pang law enforcement initiatives.
“This is also a result of a more active partnership and cooperation with other law enforcement agencies, local government units and most especially with the community whom we serve and protect,” dagdag niya. ABN