Relocation site ng squatters sa Dagupan City, inumpisahan na

LUNGSOD NG DAGUPAN – Inumpisahan na ng pamahalaang lungsod ng Dagupan, sa pakikipagtulungan ng National Housing Authority (NHA) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ang pagtayo ng relocation site para sa halos 362 informal settler-families ng lungsod sa Barangay Bonuan Boquig.
Sa panayam kay Mayor Belen Fernandez noong Mayo 9, ang mga informal settlers na naninirahan sa mga mapanganib na lugar, tulad ng sapa at tabing-ilog, ay mga benepisyaryo ng proyekto.
Kinilala niya ang Bonuan Boquig, Mangin, Herrero-Perez, at Pantal bilang mga barangay na mayroong illegal settlers na naninirahan sa mga mapanganib na lugar.
“We have talked with the residents living in danger zones in these barangays, so that their lives will not be at risk comes flooding, storm surge or any calamities,” ani Fernandez.
Ipinahayag ni Fernandez na humingi siya ng tulong mula sa DPWH para sa paghahanda ng drainage system, habang ang NHA ang magbibigay ng pabahay.
“Last Tuesday, we have spoken with NHA Regional Director Eduardo Leano, and he gave us positive feedback concerning the project. After the site preparation, we hope the houses will soon be constructed,” aniya.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P34.53 milyon, ang P24.8 milyon ay popondohan ng pamahalaang lungsod para sa backfilling at perimeter riprap, samantalang ang natitirang P9.73 milyon ay magmumula sa NHA, ani Fernandez.
Dagdag pa niya na ang mga pabahay, na gawa sa concrete, ay magsisilbi sa halos 1,000 informal setters sa lungsod. A.PASION, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon