Benguet gov, hiniling sa CPLA na huwag manggulo sa halalan

LA TRINIDAD, BENGUET – Hiniling ni Governor Crescencio Pacalso sa mga armadong grupo ng probinsiya na huwag guluhin ang isasagawang kampanya ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) candidates sa Mayo 14 election.
Ito ay inihayag ni Pacalso matapos ang ulat na ang armadong grupo na Cordillera Peoples Liberation Army (CPLA) diumano ay nangangalap ng mga residente sa Benguet upang umanib sa kanilang alyansa.
“We would like to request them to move aside from this barangay election so that the people will not be confused. They should stop recruiting in our area,” ani Pacalso.
“We are moving towards a peaceful province and a peaceful election and joining an armed group whom I do not believe is working for the security of the community, is but instead disturbing the peace and order in the province,” aniya.
Samantala, pinaaalalahanan ang mga kandidato na palaging sumunod sa mga guideline na ibinigay ng Commission on Elections (Comelec).
Paulit-ulit na sinasabi ng gobernador na ang Benguet ay pinaka-payapang probinsiya tuwing eleksiyon at walang naitalang ulat ng mga karahasang may kaugnayan sa halalan.
Sa kamakailang pulong ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) na naghahanda ng kanilang action plan para sa darating na barangay at SK election, kabilang sa mga critical issues ang itinaas ay ang transportation at seguridad ng mga balota, kabilang ang seguridad ng voting precinct sa mga malalayong komunidad.
Upang siguruhin ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad, nagtalaga ang Benguet Province Police Office (BPPO) ng mga PNP checkpoints at patuloy na pagsasagawa ng foot patrol.
Sa voting precinct, lalo na sa mga lugar kung saan mahirap ang komunikasyon, mas malaking bilang ng police escorts ang itatalaga sa oras ng election.
Sa mga kinilalang lugar na puntirya, mas mahigpit na seguridad ang isasagawa.
Sa maraming dekada, ang Benguet ay nagsasanay sa kultura ng paglilingkod sa publiko sa isang makatarungan at contested arena sa panahon ng halalan. Ang mga kandidato ay hinikayat na magpakilala bilang public servant na walang paninira sa kanilang mga katunggali. D.DENNIS JR., PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon