Resort sa Kalinga, posibleng maipasara matapos ang trahedya

TABUK CITY, Kalinga – Irerekomenda ng Department of Tourism-Cordillera ang pagkansela sa certificate of accreditation o’ pagsasara sa L&C Camp Resort sa Tabuk City,Kalinga na ikinamatay ng isang guest sa kanilang zipline noong Hunyo 12.
Sinabi ni Jovita Ganongan, regional director ng DoTCordillera na hinihintay na lamang nila ang ulat ng imbestigasyon, upang matukoy ang pananagutan nito sa naganap na insidente na ikinamatay ng isang nurse dulot ng zipline.
“Noong huling inspeksyon namin sa lugar ay wala ang zipline, kaya nabigyan ito ng DOT accreditation bilang isang resort at hindi saklaw ng kanilang accreditation ang pagkakaroon ng zipline sa kanilang pasilidad.
Wala silang ipinaalam sa amin na naglagay sila ng recreation na zipline, kaya ito ay labag sa DOT rules and regulations,” pahayag pa ni Ganongan.
Aniya nagpadala na sila ng ng Notice to Explain sa may-ari ng resort para ipaliwanag nila kung magkakaroon ng malinaw na mga paglabag sa kanilang pagsunod sa mga pamantayan ng accreditation sa kaligtasan at kung mapapatunyan ang kanilang paglabag ay irerekomenda ang pagkansela ng kanilang sertipiko at pagsasara ng resort.
Napag-alaman na kusang isinara ng may-ari ang resort matapos maganap ang insidente noong Hunyo 12 sa Sitio Gapang, Barangay Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay Ganongan, ang DOT accreditation bago maibigay sa isang tourismoriented na establisyimento ay dapat munang sumunod sa mga pamantayan sa mga pasilidad, at serbisyo, lalo na sa kaligtasan.
“Ito ang paraan ng gobyerno para masigurado na ang mga destinasyon ng turismo na pinupuntahan ng mga tao ay nakakatugon sa mga
pamantayan ng industriya,” sabi ni Ganongan.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon