“RESTOBAR SA PANGASINAN, PUGAD SA KAHAYUKAN”

Gaya ng ipinangako ng National Bureau of Inves tigation-Ilocos Region sa pinalakas na kampanya ng pinagsanib na pwersa nila kasama ang Department of Social Welfare and Development Region1 kontra sa human trafficking, sinalakay ang isang brothel sa barangay Nangcayasan, Urdaneta City, Pangasinan nito
lamang gabi ng Miyerkoles (October 12, 2022).

Siyam na kababaihang inilalako ng “Gravity restobar” bilang parausan ng mga hayok sa laman sa halagang P3,000 ang na-rescue ng mga otoridad. Tuluyan na kayang mapawi ang pagkadismaya ng mga
nagrereklamo sa mga kinauukulan ng Urdaneta City at lalawigan ng Pangasinan ang tagumpay na
pagkasalakay ng “Gravity brothel” dahik noong Hunyo ngayong taon pa idinudulog ang suliranin, ngunit mistulang bulag at bingi ang mga ito.

Nagpapatotoo ba itong kawalang-aksyon ng mga opisyal sa Pangasinan sa namumuong kritisismo kay
Pangasinan Governor Ramon “Mon-mon” Guico III na kulang ito sa aksyon upang pangalagaan at itaguyod ang kapakanan ng mga Pangasinense? Bukod-tangi ba itong “Gravity brothel” sa Urdaneta City at sa Pangasinan o marami pang kahalintulad na mga bahay aliwang binabalewala lamang dahil may kumikitang negosyante at nagbebenepisyong mga pinapadulasang kinauukulang dapat nangangalaga at
nagmamalasakit sa kapakanan ng komunidad?

Ang pag-aatubili ng mga kinauukulang lipulin ang mga brothels kung mayroon pang iba sa Urdaneta City at saan mang bahagi ng Pangasinan ay malaking pangitain sa kakayahang manungkulan ang mga inihalal man o mga naitalagang mangalaga sa kapakanan at kagalingan ng taumbayan. Sa iba pang bahagi ng
Ilocos Region, nagpapakita ng kaseryosohan ang pinagsanib na pwersa ng NBI at DSWD na tuldukan ang human trafficking lalo na sa mga kababaihan at mga musmos pa na parang anay na umuok-ok sa tibay ng mga pamilya at sa kabuoan ng lipunan.

Sana nga pangalawa lamang at panghuli ang “Gravity restobar cum brothel” sa Urdaneta City na sasalakayin at gaya ng pagsasara ng “Juan Shot videoke cum brothel” sa Agoo, ay matituldukan na rin
bilang ala-ala at aral na lamang sa lahat ng parokyano, negosyante, at mga nagbubulag-bulagang opisyal.

Amianan Balita Ngayon