Rice-corn blend alternatibo sa white rice – DA

Rice-corn blend ang nakikitang tugon ng Department of Agriculture o DA Cordillera tungo sa suplay o sapat na suplay ng bigas sa bansa. Bukod sa mabuti ito sa kalusugan ay abot kaya rin ito sa bulsa para sa kapwa pilipino.

Ayon kay DA-CAR corn coordinator Herrardo Banawa, mainam ang produktong rice-corn blend o pinaghalong corn grits at bigas na pamalit o mainam na alternatibo sa white rice dahil mataas ang nutrient content nito, mababa ang glycemic factor, cholesterol, at sugar content nito.

Mayaman din umano ito sa prutina, minerals, carbohydrates, at antioxidants na mabisang panlaban sa Cancer at Alzheimer’s disease.

Kaya naman, hinihikayat ngayon ng DA ang publiko sa kanilang adbokasiya na pagkain ng mais o ng ricecorn blend araw-araw, gayong malaki ang naitutulong nito para maging mas malakas at makaiwas sa mga sakit tulad nga ng Diabetes.

Ayon sa Department of Health o DOH Cordillera, taong 2018, nangunguna ang Diabetes sa lifestyle related diseases na nailista dito sa rehiyon, kasunod ng Hypertension.

Sa mga nagnanais naman na bumili ng produktong rice-corn blend, maaari itong mabili sa DA na ibinebenta lamang sa murang halaga.

Nasa P36.00 pesos ang kada kilo ang pinaghalong 50% corn grits at 50% na bigas. Nasa P37.00 pesos naman ang 70% na corn grits at 30% na bigas, habang nasa P34.00 naman ang kada kilo ng purong corn grits.

Kaugnay niyan, nakikita ng DA na masusolusyunan nito ang kakulangan sa suplay ng bigas na pangunahing pagkain ng pamilyang Pilipino, hanggang sa di na kinakailangan pang mag angkat nito kasabay ng inaasahang paglawak ng industriya ng pagtatanim ng mais sa rehiyon.

Positibo ang ahensiya na susuportahan din ito ng publiko para sa pagkakaroon ng masigla at produktibong populasyon.

Charisse Anne Miranda, UB Intern/ABN

Amianan Balita Ngayon