SA BAGONG-TALAGANG GM, BALIK TRABAHO PARA SA MAS MAKINANG NA BENECO

Sa naging kaguluhan sa pamunuan ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) lalo na sa labanan sa posisyon ng General Manager ay nagtalaga ang National Electrification Administration (NEA) ng interim General Manager at interim Board of Directors (BOD) noong Enero 2023 na siyang tumapos sa tatlong taong agawan ng kapangyarihan sa nasabing kooperatiba ng kuryente.

Ang kasalukuyang board of directors (BOD) ay maaaring pumili ng general manager para sa kooperatiba. Kamakailan ay itinalaga ng BENECO Interim BOD sa pangunguna ni Steve Cating, interim BOD Chairman sa rekomendasyon ng NEA si Engr. Melchor Licoben bilang general manager. Si Licoben ang assistant general manager nang mamatay ang matagal na GM ng BENECO na si Gerardo Versoza Jr. na namatay noong 2020 at inasahang siyang hahalili.

Subalit dahil sa impluwensiya ng politika ay umupo si dating Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Atty. Ana Maria Rafael noong Hulyo 2021 kung saan inaprubahan ng NEA BOD ang kaniyang pagkakatalaga bilang BENECO GM base sa legal na opinyon na inilabas ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) at naisantabi si Licoben na siyang napipisil at suportado ng mga manggagawa ng BENECO at mga dating miyembro ng BOD na lalong pinatibay ng suporta ng mga lahat ng local government units ng Baguio at Benguet gayundin ng mga member-consumer-owners (MCOs).

Ngayong natapos na ang kaguluhan sa liderato ng BENECO ay inaasahang maipagpapatuloy na ang maayos at epektibong pamamahala sa kooperatiba para sa kapakanan ng mga miyembro at mga sineserbisyuhan ng BENECO. Maraming problema pa ang dapat bigyan-pansin at tugunan pangunahin ang nakaambang mga pagtaas ng presyo, rehabilitasyon at pagkukumpuni, at elektripikasyon sa ibang mga lugar at iba pang mga isyu.

Maging pagbubukas sana ng isip at makatulong sana ang nangyaring kaguluhan upang sa hinaharap kung umusbong muli ang ganitong sigalot at problema ay tamang lunas at mabilis na resolusyon na ang magawa ng mga may kinalaman sa usapin. Gayundin maging malinaw at tiyak na sana kung sinong ahensiya ang tunay at karapat-dapat na humawak at magdesisyon sa katulad na problema.

Natapos na ang drama at kailangang isantabi na ang sugat ng nakaraan at umaasa tayong magampanan ng bagong-talagang GM ng BENECO at ang magiging mga bagong miyembro ng BOD ang kanilang mga trabaho ng maayos, walang pansariling interes at hindi napapaudyok ng impluwensiya ng pulitika. Mag move on na tayong lahat.

Amianan Balita Ngayon