Sa eleksiyon, sino ba ang talunan?

Daplis Walang Mintis Opinion

Umadanin ti panagtugaw dagiti nangabak idi kallabes nga eleksiyon wenno panagpipili. Nagraduar metten ti 17th Congress ket sumarunon ti 18th Congress.

Dagiti nangabak a senador ken kongresista idi eleksiyon ti mangbukel iti baro a kongreso. Ngem guray lang, pards.

Sumsumngat latta ti nadagsen a saludsod: Nangabakda, agtugawdan, ngem nangabak tayo ngata nga umili wenno ania?

Iti ababa a pannao: tunggal eleksiyon, sinno aya ti mangabak? Nag-Iloko na ang daplis! He he sinadya namin mga pards, alang-alang sa katatapos na Ramadan!

Nakupow, lalong lumayo ang usapan. Anong kinalaman ng Ramadan sa nag-Ilokong daplis? Malaki, pards. Ang kanti ay dapat mula Luzon hanggang Mindanao, ano man ang ating lingguahe, nagkakaisa tayo para sa ating pag-unlad.

Tama, pards. Kung sungki-sungki ang ating utak, hindi tayo susulong. Noong kampanyahan, parang iisa ang lingguahe ng mga kandidato.

Kababaangloob, malinis na paninilbihan, hindi kurakot, matapang kontra krimen, lalong matapang kontra droga at marami pang mapangenganyong mga salita mula sa kanilang mga modus-operandi.

Yun ang dahilan kung bakit marami ang naloko at naniwala.

Kaya ang resulta, nanalo ang mga magagaling mambola, bagama’t marami ring nanalong totoo ang kartada.

Pero inuulit natin ang tanong: nanalo ba ang mga botante o talunan? Kung kami ang sasagot diyan, mas malaking porsiyento ang talunang mga botante kaysa nagtagumpay. Bakit? Maraming dahilan kung bakit nasabi nating mas mataas na porsiyento na mga botante ang talunan sa tuwing eleksiyon.

Sige, sumunod ka, pards. Dahil sa tamis ng dila, ibinoto natin si kandidato. Nang umupo, hindi na tayo kilala. Hindi rin niya tinupad ang ipinangako.

Bogus ang mga patutsada nila sa entablado de kampanya. Anong nangyari? Nang naranasang masayaran ng limpak na papel de bangko ang palad, naala-ala niya (hindi sa nilalahat) ang kanyang sandamukal na ginastos noong kampanya. Namilog ang mata. Dapat makabawi.

Yun ang nangdemonyo agad kay pulitiko. At dahil sa gusting makabawi, nalimutan na niya ang kuno ay malinis niyang paninilbihan na kanyang pinangalandakan bago siya nahalal.

Resulta: ang maamong tupa na halos kinakamayan lahat ang nasasalubong pati kalabaw ay nagmistulang tigre na sa tapang upang walang manita sa kanyang pangungurakot.

Kawawa naman ang paris kong botanteng naghalal at sumuporta sa kanya. Sayang ang ating boto. Sayang ang ating tiwala. Magmumura man tayo at sumpain ang demonyong ito, andon na siya sa puwesto.

Nilalamutak na niya ang ating pinaghirapanang kaban ng buwis na nagmula pa sa ating pawis. Isigaw man natin ang kanyang ala buwitreng at ala-buwayang bagong anyo, hindi rin tayo mapapakinggan dahil napapalibutan na siya ng mga kalahi niya sa kakurakutan.

So, in short talong-talo tayong mga botante. Ang isang kongkretong ehemplo ay sa Lower House kung saan ay di pa sila nakakapili ng House Speaker.

Nagtatalunan at nagsisiraan na sila. May napaulat pang gapangan at umaabot pa sa milyong peso diumano ang lagay sa bawat boto.

Mantakin mo yan, pards? Sila na ating pinagkatiwalaan na taga-gawa ng batas, masahol pa sila sa ating iniisip. Hindi na nila inalintana na sila’y minamasdan at napapakinggan ng buong sambayanan.

Hindi ba sila nahihiya? Kaya tayong mga nagtiwala at bumoto, talagang talunan, di ba? Don naman sa senado, ganon din. May tensiyon pa rin kung sino ang dapat na maging Senate President.

Yung dati ba o bago? Pati na sa committee chairmanship, di sila magkaisa. Di ba nakakahiya sa mga botante ang kanilang mga ginagawa? Sa halip na manilbihan sa ating bayan, iba ang kanilang inaatupag? Dahil ba sa puesto o kita?

Batobato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos!