Ilang taon na ba, o ilang dekada na kaya ang mabibilang kung saan ang Lungsod ng Baguio ay isa o hindi man ang pinakapaboritong lugar na puntahan ng mga tao, lokal man o banyaga tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan? Tama, baka daang-taon na ring dinadagsa ang lungsod dahil sa angking malamig na klima, tahimik na kapaligiran, at marami at iba’t-ibang pasyalan na napapalamutian. Mas lalo pa na ang temperatura ay mas bumababa sa panahong simula Setyembre hanggang Disyembre.
Dagdag nanghihikayat ang masiglang maliwanag na mga pailaw ng Pasko, mga himig ng mga namamasko at gayundin hindi pahuhuli ang mga masasarap na pagkain at inumin ng iba’t-ibang establisimiyento at mga gawang-kamay na mga produkto. Kamakailan lamang ay nahirang ang Baguio bilang kauna-unahang “creative city” ng buong bansa dahil sa ipinagmamalaki nitong masiglang kultura, likas na malamig na klima, at mga makapigil-hiningang tanawin na binabalikan ng nasa 1.7 milyong turista na dumadagsa sa lungsod kada taon, lalo na tuwing kapaskuhan at summer. Ang pinakaaabangan at pinanabikang taunang Panagbenga o Baguio Flower Festival kung saan pinakatampok dito ang Grand Street Dancing at Grand Float Parade ay tunay ngang
pinakadinudumog ng mga tao.
Subalit ang masasayang taunang selebrasyon ng Panagbenga ay biglang pinutol ng mapaminsalang pandemya ng Covid-19 kung saan tatlong pagkakataon nang hindi naitatanghal ang mga pangunahing aktibidad ng nasabing kapistahan. Bagama’t noong nakaraang taon ay naitampok naman ang ilang maliliit na aktibidad ay mas lalong pinanabikan ng napakaraming tao, lokal na residente man mga bisita ang mga pangunahin at naglalakihang mga palabas.
Tunay na hindi maikakailang ang Lungsod ng Baguio ay isa sa pinakananais puntahan ng mga Pilipino (marahil pati mga banyaga) tuwing sasapit ang kapaskuhan, hanggang sa tumama nga ang pandemya ng Covid-19. Ang nakamamatay na sakit na ito ay nagpabago sa kung paano tayo mabuhay sa puntong maaaring naapektuhan ang pamamaraan ng ating selebrasyon ng kapaskuhan at bagong taon sa mga nagdaaang taon.
Subalit sa pagsusumikap ng pamahalaang lungsod at ng pakikisa ng mga mamamayan ay unti-unti nang naibabalik ang ilan sa mga normal na gawain gaya ng panahon bago tumama ang pandemya. Isang patunay sa lahat na kahit sa kabila ng pandemya ay maaari pa nating masayang tamasahin
ang kapaskuhan na tulad ng dati, kung saan ang Lungsod ng Baguio ay isang lugar na maaari pa ring magtipon ang lahat ngayon.
Nitong nakaraang Disyembre ay opisyal nang inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang pinakahihintay at tanyag na Panagbenga o Baguio Flower Festival na gaganapin sa Pebrero na may temang “A Renaissance of Wonder and Beauty”. Lubus-lubusan na raw ang selebrasyon ayon kay Mayor Benjamin Magalong na sinabing panahon na upang muling buhayin ang ating pangkulturang yaman at dapat magsaya dahil sa panunumbalik ng ekonomiya sa kabila ng pagbagsak nito halos dalawang taon na dahil sa pandemya.
Kailangan yumabong uli at muli ang Panagbenga bilang pinagmumulan ng pag-asa at pagmamapuri para sa komunidad. Siniguro ng Alkalde sa mga residente at mga bisita na mananatili ang minimum health protocols dahil mas malaki ang lahat ng mga aktibidad sa susunod na taon, lalo na ang tradisyunal na mga aktibidad ng Panagbenga upang maging kasiya-siya sa
mga manonood. May mga bago at malalaki ring mga kompanya ang lalahok sa street
dancing at float parade. Magsisimula ang Panagbenga Festival mula Pebrero 1 hangga Marso 5 kung saan ang grandiosong panimulang parade ay sa Pebrero 1.
Matagal nang suliranin ng lungsod ang mabigat na daloy ng trapiko sa lungsod at lalong lumalala pa ito tuwing sumasapit ang panahon ng kapaskuhan dahil sa pagdagsa ng mga bisita. Buong taon na isyu ang trapiko at polusyon gayundin ang alalahanin sa hindi mapigil na pagpapaunlad sa lungsod at ang sinasabing sobrang-turismo na nagdudulot ng mga problema sa trapiko, pagsisikip ng mga tao, kakulangan ng tubig at lumalalang polusyon.
At ngayon sa muling pagbabalik ng Panagbenga at mas lalong pinaluwag na minimum health standards ay tiyak na dadagsa ang napakaraming tao, subalit ano ang ating magagawa? Mapipigil ba natin ang kanilang pananabik? Sa ngayon ay tila wala tayong magagawa kundi hayaan muna nating magtagumpay ang Panagbenga na gaya ng mga tao ay sabik na ring magtanghal upang muling ipasikat ang dati nitong ningning at luwalhati.
December 17, 2022
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025