SA PAGKAWALA NG SMARTMATIC SA EKSENA, MAGIGING MALINIS NA KAYA ANG MGA HALALAN?

Noong nakaraang Miyerkoles ay tuluyan nang permanenteng binawalan ng Commission on Elections (Comelec) ang Smartmatic Philippines Inc., isang local unit ng Smartmatic na nakabase sa London na makilahok sa anumang “bidding” para sa mga kontrata sa eleksiyon matapos madawit ang kompanya sa isang imbestigsyon ng korapsiyon na inilunsad ng gobyerno ng Estados Unidos. Sinabi ng Comelec na ang pagbabawal sa kompanya ay dahil sa banta nito sa
“integridad” ng mga hinaharap na mga halalan sa Pilipinas.

Nag-ugat ang pagbabawal sa imbestigasyon na pinasimulan ng US Justice Department laban sa dating chairman ng Comelec na si Andres Bautista para sa diumano’y katiwalian, sabwatan, wire fraud, at money laundering. Dahil sa kabigatan ng mga alegasyon kaugnay sa suhulan at nakompromisong mga proseso ng pagbili na independiyenteng tinukoy ay kinikilala ng Comelec ang napipintong banta sa katatagan at integridad ng demokratikong mga proseso ng Pilipinas kaya diskuwalipikado at pinagbawalan ang Smartmatic Philippines Inc. na makilahok sa anumang public bidding process para sa mga eleksiyon.

Iginawad ni dating Comelec chairman Bautista sa Smartmatic ang $199 milyon na kontrata para sa suplayan ang Pilipinas ng 94,000 voting machines para sa 2016 presidential elections kung saan nanalo si dating pangulong Rodrigo Duterte. Sa mga datos na napitas mula sa mga news report ay nakitang tuloy tuloy na nakuha ng Smartmatic ang mga kontrata mula 2010 kung saan nagsuplay ito ng kontrobersiyang Precinct Count Optical Scan (PCOS) amchines sa bansa para sa kauna-unahang automated elections at ang parehong teknolohiya ay ginamit din sa 2013 midterms elections bago mapalitan ito ng vote-counting machines (VCMs).

Mula 2010 hanggang 2022 ay umabot sa PhP25 bilyon ang nakuhang election contracts (kabilang ang VCMs, AES softwares, transmission services at technical support) ng Smartmatic kung saan pinakamalaki ang ibinigay ni Bautista noong siya pa ang nakaupong chairman ng Comelec. Ayon sa Smartmatic ay binigyan nila ang Comelec ng mga makina para sa halalan at ng teknolohiya mula pa noong 2010 na siyang kauna-unahang automated elections at ang kompanya ay 100 porsiyentong pribadong pag-aari na walang anumang kaugnayan sa mga political na Partido at mga grupo.

Sinabi naman ni Bautista na ang 2016 elections na kaniyang pinangunahan ay pinuri ng iba’t-ibang independent national at local election stakeholders bilang siyang pinakamahusay na napamahalaan sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas. Subalit tila iba ang naging pananaw ng nakakaraming Pilipino dahil negatibo ang tingin sa Smartmatic mula ng umalingasaw ang baho ng mga katiwalian at suhulan na lalong pinagtibay ng isinampang kaso ng gobiyerno ng Estados Unidos kay Bautista kung saan dawit ang kompanya sa diumano’y pagpapadala ng Smartmatic ng umabot sa $1 milyon kay Bautista kapalit ng tulong sa pagkuha ng milyon-milyong dolyar na mga kontrata para sa 2016 elections na itinatanggi naman ni Bautista.

Kung totoong pinakamahusay ang 2016 elections, bakit nagtatago pa rin si Bautista at ayaw umuwi ng Pilipinas upang harapin ang mga paratang sa kaniya? Sa panig naman ng Smartmatic ay sinabi nitong ang desisoyn gn Comelec ay hindi makatarungang pinahiya ang reputasyon ng kompanya at hindi nahatulan sa Estados Unidos at ang paggamit ng kawalan ng hatol bilang motibo ay hindi sumunod ang Comelec sa legal na proseso upang madiskuwalipika ang Smartmatic at hind nabigyan ang kompanya ng pagkakataon upang prisinta ang panig nito. Malapit na naman ang halalan sa 2025 at nangangailangan ang Comelec ng 110,000 voting machines upang palitan ang kasalukyang mga VCM na nagamit na sa nakaraang tatlong eleksiyon.

May dalawang natitirang “bidders” na ayon sa Comelec ay kuwalipikado naman at walang magiging problema sa susunod na halalan. Sa permanenteng pagbabawal sa Smartmatic ay magagarantiyahan na kaya ang mas malinis at maayos na susunod na mga halalan? Iginiit ng Smartmatic na wala silang kinalaman sa mga naging iregularidad sa mga nakaraang eleksiyon dahlia may mga “third party” daw na mga transmission servers na nagbibigay ng mga resulta. Hindi kaya “inilaglag” na lamang ang Smartmatic upang hindi mapuwersa at magipit ang komisyon sa mga reklamong inihain?

Isang pampublikong kaalaman na may mga suhulang nangyayari tuwing eleksiyon, subalit hanggang ngayon ay wala pang napapatunayan at napapangalanang mga politiko na nakinabang sa mga nasabing diumano’y suhulan. Sa pagkawala ng Smartmatic sa eksena ng halalan sa Pilipinas ay
mapapatunayan marahil na sila nga ang tunay na salarin ng mga katiwalian sa mga nakaraan sa
magaganap na eleksiyon sa 2025, at kung hindi ay, alam na natin kung sino ang sisisihin. Baka
naman mas mabuting gamitin na natin ang isang “hybrid elections” na sa pakiwari ng ialng
mababatas na nagsusulong nito ay may panahon pa namang ihanda ito?

GAME ON!

PASKO NA, SINTA KO

Amianan Balita Ngayon