Bilang isang PWD-friendly city ay isinulong ng lokal na gobyerno ng Baguio ang paglalagay ng mga “tactile pavements” sa lungsod bilang pagtupad sa obligasyon nito na siguruhin ang kapakanan at kapanatagan ng persons with disability (PWDs) sa bisa ng Batas Pambansa 344 o ang An Act to Enhance the Mobility of Disabled Persons by Requiring Certain Buildings, Institutions, Establishments and Public Utilities to Install Facilities and other Devices.
Inirekomenda ng pamahalaang lungsod sa department of public works ang paglalagay ng tactile sa mga pangunahing sidewalk sa iba’t-ibang bahagi ng lungsod bilang bahagi ng walkability initiative ng lungsod. Itinulak ito na isang bahagi ng programang pagpapahusay ng mga daan na para sa benepisyo ng mga may diperensiya sa mata.
Subalit kauumpisa pa lamang ng proyekto noong 2020 na kung saan sa mga panahon ng tuloytuloy na pag-ulan ay umusbong ang mga isyu sa tactile.
Nagkaroon noon ng katanungan at pagdududa kung katanggap-tanggap nga ba ang nasabing tactile sa mga sidewalk na dahil na rin sa mga aktuwal na karanasan ng mga tao sa tactile ay nagbunsod ng pag-iingay kung saan may mga nanawagan na agad tanggalin na ang mga ito upang maiwasan ang anumang masamang mangyayaring insidente na magiging banta sa kaligtasan ng mga tao na dumadaan dito. Nagkibitbalikat noon ang pamahalaang lungsod at iginiit na ang tactile na ginamit sa proyekto ay naaayon at sumunod sa international standard at may mga wastong pamamaraan daw upang gamitin ito at hindi raw dapat apakan.
Sandaling nawala ang isyu hanggang sa nitong mga nakaraang linggo ay muling nabuhay ang isyu dahil sa ilang magkakasunod na mga insidente ng pagkakadulas sa mga nasabing tactile, at ang mga naging biktima at nasaktan ay mga walang-kapansanang residente. Umugong muli ang mga pagpuna at pagbatikos lalo na sa social media. Sa una ay naniniwala tayo na may mga pagkukulang nga sa bahagi ng mga nagpapatupad lalo na siguro sa pagbibigay kaunawaan sa publiko sa tamang paggamit ng tactile.
Patuloy na dinedepensahan ng lungsod ang paglalagay ng tactile sa mga sidewalk at sinabing hindi kailangang tanggalin ang mga ito bakus ay maghanap ng mga paraan upang mapahusay pa ito at mabawasan ang pagiging banta nito sa disgrasya lalo na ang pagiging madulas nito kapag nababasa. Pati ang Person with Disability Affairs
Office (PDAO) at Baguio Federation of Organizations of Visually-Impaired Persons (BFOVIP) ay nagsabing malaking tulong ang tactile sa kanila at wala pa namang naaaksidente sa kanilang hanay. (Kailangan pa kaya ng may maaksidenteng may kapansanan sa paningin para mag-iba ng pananaw?)
Wala po namang problema sa kalidad ng tactile na inilalagay dahil sa kagustuhan ng pamahalaang lungsod na makasabay ang lungsod sa kaunlaran ng ibang mga bansa at ngayon pang nakikilala na nga ang Baguio sa buong mundo ay tiyak namang de-kalidad ang kanilang binili na ayon nga sa kanila ay umaayon sa “international standards” ang mga ito. Ang nakakapanghinayang lang ay ang pagkabigo ng lungsod na itaa ang kaunawaan ng publiko ukol sa proyekto na bago sana nila ito ipinatupad ay nagawa na ito, hindi man isandaang porsiyento kundi kahit man lang sa nakakarami.
Tunay na kailangan ng matagal na panahon upang makasanayan ng mga tao ang paggamit at pagdaan sa tactile, at yamang naumpisahan na ay kailangan ipagpatuloy pa rin ang pagbibigay ng tamang impormasyon at paalala ukol dito. Kung napuputakte man ang pamahalaan ng lungsod ng mga puna at batikos ay huwag sanang maging maramdamin bagkus ay maging paraan ito upang magising tayo sa katotohanan at magkaroon ng pinaka-maayos at
katanggap-tanggap na solusyon.
Hindi naman kailangang ipilit na dapat ang tao ang makibagay sa teknolohiya nang ganunganun na lamang, kailangan ng panahon upang masanay ang publiko. Tama rin na maiiwasan ang aksidente subalit kung ang mismong paglalagay ng tactile na hindi angkop sa uri ng mga daan sa lungsod ang magdudulot ng aksidente ay ibang usapan na ito dahi wala naman sigurong tao na nagnanais isuong ang sarili sa panganib makaayon lamang sa teknolohiya.
Tunay na maganda ang layunin ng proyekto para sa ating kababayang may kapansanan bagaman kaunti lamang sila kung ihahambing sa mas nakakarami ay dapat magkaroon ng pantay-pantay na benepisyo sa kaunlaran. Ang mahirap lamang tanggapin ay ang paulit-ulit na pagkukumpuni at abala sa mga daan kapag inaayos na ang mga ito, gayundin ang walang tiyak na solusyon na inilatag bago ito muling ipatupad.
Mabuti naman at naunang sinuspinde ng DPWH ang proyekto na sinundan ni Mayor Benjamin Magalong na ipagpaliban muna ang paglalagay ng tactile upang makahanap ng mas ligtas na mga uri ng tactile para maiwasan ang anumang posibleng aksidente. Magandang balita ito dahil kapag tumagal pa ay baka mas lalong lumaki pa ang
gastos at abala. Bilang panghuli ay, habang umuunlad ang lungsod ay kailangan ding paunlarin ng tao ang disiplina dahil kasama ang mga residente sa kaunlaran.
August 27, 2022
August 27, 2022
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025