“SABWATANG LGU, PERGALAN OPERATORS: PUNO’T DULO NG MGA DUGALAN”

Bukod sa pamimikit ng kapulisan at iba pang law enforcement agencies, tambulan ng paninisi ang mga local government units sa pangunguna ng mayor ang pamamayagpag ng mga peryahan-sugalan o pergalan sa kanilang mga bayan. Sapagka’t kung walang basbas ng Punong Ehekutibo ng Bayan, pati ng concurrence ng Sangunniang Bayan, Punong Barangay at Sangunniang Barangay, agad alsa-balutan ang mga operator at mabilis pa sa ala-una’y
tumatalilis na ito ng takbo upang hindi huliin ng mga law enforcers.

Halimbawa’y sa bayan ng Agoo, La Union kung saan malayang nakakapanggantso ng mga manananaya si Maribel de
Castro dahil binasbasan ito ni Mayor Frank O. Sibuma. Natural, wala na ring imik ang mga kagawad ng Sangguniang Bayan ng Agoo dahil tulad ng mga Punong Barangay at Sanggunian nito’y nakumpasan na. Kagaya din ng pergalan
operator na si Victor Verde na katatapos lang nitong makapagpasugal sa Salcedo, Ilocos Sur sa kumpas din ni Mayor Leopoldo G. Gironella, Jr. at iba pang kagawad ng LGU sa bayang iyon.

Tiyak, si Verde’y nakalipat na kung saan mang bayan ng Ilocos Sur kung saan may pistang bayan upang ipwesto ang peryahan niya bilang tabing ng dropball at iba pang color games na maliwanag namang sugal. Walang legal na basehan ang pagpupumilit ng mga pergalan operators na pinapayagan ang pagsusugal tuwing may pista sapagkat ayon sa Anti-Illegal Gambling law (PD 1602) at Republic Act 9287, lahat ng anyo ng sugal o moneyrelated activities ay ipinagbabawal, kahit sa lamayan at pista.

Sa nakaraang pagdinig ng Senate committee on public order, safety and illegal drugs sa isyu ng mga pergalan sa
Ilocos Region, tinukoy na salik ang pagkanlong ng mga local government units sa kumpas ng Punong Ehekutibo ng bayan, hindi lamang ang pangingikil ng mga law enforcement agencies, sa pagpapatuloy ng naturang anti-sosyal na gawain.

Amianan Balita Ngayon