SILA NA LANG BA?

SA NAKARAANG pagpupulong na ginanap kamakailan lang, nagkakilanlan ang mga umaasang kandidato upang mahusgahan ng mga boboto sa a-dose ng Mayo. Ilang tulog na lang yan, mga tatlong linggong singkad, upang magkaka-alam alam na kung saang direksyon dinadala an gating lungsod sa mga susunod na tatlong taong singkad. Hindi makakalimutan ang mga prangkang sagot sa mga tanong ng
bayan – mga tanong na binigyang tinig ng mga naging abala sa pamamalakad ng mga kuro-kuro. Isang mainit na usapin ang
pinangangambahang isyu ng dinastiya sa pulitika na hindi naiwasang maitanong sa mga magkakatunggali. Dapat bang iisang angkan ang pagkatiwalaan upang balangkasin ang mga platapormang huhulna sa lungsod?

Hindi maiwasang tanungin ang mag-asawang sabay na nag-kandidato sa dalawang pinakamataas na posisyon – ang pagiging Mayor at Congresswoman – at kapaansin-pansin ang masigabong palakpakan ng ang tanong ay pumailanlang. Hindi ba’t pagkamkam ng kontrol sa pulitika ang isinagawang pag-kandidato ng mag-asawa? Hindi ba’t napagkaitan ang maraming iba pa na maaaring mayroon ding kakayahan, karakter at kahusayan na iharap ang mga sarili sa pagsusuri ng taong-bayan? Hindi ba’t kasakiman ang magnasang isailalim sa iisang angkan ang mga direksyong kinakailangan ng lungsod upang mapabuti, maisaayos, at mahigtan pa ang mga tagumpay ng lungsod?

Sila na lamang ba ang may apat na K upang pangunahan ang patuloy na pagsulong ng Baguio sa isang kinabukasang higit na may aliwalas sa pagsasaayos ng lungsod? Wala na bang iba? Kagyat nating balikan ang nasabing pagpupulong na tinaguriang Baguio Leaders Forum.
Habang ang iilan – sa pangunguna ng Punong Silbing Bayan – ay sineryoso ang okasyon, at may mga paghahandang nagawa, upang higit silang maunawaan ng madlang pipol – ang iba naman ay parang walang kahit na anumang preparasyon ang ginawa. Nagmistula tuloy silang walang kahandaan. O dili kaya naman, ay talagang wala pa sa kanilang mga kaisipan ang ginaganap na talakayan.

Para sa mag-asawang tahasang ipinagkait ang dangal ng mga posisyong kanilang kinandatuhan, tila hindi nila inalintana na magiging apoy ng usap-usapang ang pagnanasang mapalakas pa ang pagpapaisang kamay ang pagiging Alkalde at Representante ng lungsod. Kahit ano pa man ang kanilang kasagutan, hindi maipagkakaila ang linaw ng adhikain na sa iisang angkan lamang ang may karapatan, ang may
kakayahan, ang may kinikilangang personal na adhikain: ang mailagay sa iisang ngalan ang pagbalangkas sa kinabukasan ng isang lungsod, na kamkamin ang anumang biyaya – at marami ito, bugkos-bugkos – dahil sila lamang katangi-tanging hindi matatangihan ang madlang pipol.

Ang sabi nga ng barbero kung nag-mamarites – kaswapangan ang nangyaring pagbalahura sa demorasyang ating tinatamasa sa pawis, luha at dugo n gating mga nagbuwis ng buhay upang ating maranasan ang maging mala at pantay-pantay sa mga oportunidad na laan sa bawat isa. Dagdag pa niya: Ganid. Gahaman. Garapal. Sa huling pagkakataon bago natin iboboto ang mga karapat-dapat, lalo at higit nating pag-isipan ang ating mga napipisil na punuin ng tinta ang mga espasyong nasa balota. Opo, tayong madlang pipol na may karapatang bomoto ay pupunta sa ating naitakdang presinto sa Araw ng Eleksyon, upang bomoto ng mga taong sa ating paningin at pagkilatis ay siyang mamumuno hindi lamang sa Baguio kundi pati na rin sa mga gagawa ng batas na mga bagong labindalawang senador.

Itinakda ng batas, at dala na rin ng ating Konstitusyon, na sa bawat tatlong taong singkad, ating pipiliin ang mga mamamahala sa ating gobyerno local, at sa pagkakataong ito ay pati na rin ang mga mambabatas na ating idadagdag sa Senado. Midterm election ang tawag sa ganitong botohan sa darating na a-dose ng Mayo, taong kasalukuyan. Kailanman, ating tinatanggap na hindi ito madali, kung ating titimbangin ang mga kakayahan ng ating iboboto, lalo’t higit ang pamunuan ng ating gobyerno lokal ng lahat ng munisipyo at kalunsuran sa buong bansa. Kaya naman, ngayong iilang araw lang ang daraan, ay atin ng babalangkasin ang direksyon ng pamamahala dito sa ating mahal na lungsod.

Ang sabi ng ng mga pantas sa pulitika, ang halalan ang siyang basehan ng pagpataw ng kapangyarihan upang ang isang bayan o sa pangkalahatan ay buong bansa ay ating maisusulong sa landas na dapat ay tatahakin. Ang mga walang maipamalas na resulta ng kanilang paninilbihan, huwag ng magatubili. Alam mo na ang gagawin. Ibasura ang kanilang mga ngalang binahiran ng kawalan ng tunay na paglilingkod. Ang mga nanilbihan naman ng buong katapatan, malasakit, at pagmamahal sa lungsod – silang mga walang tigil ng pag-asikaso sa mga pangangailangan ng mamamayan, mga serbisyo publikong dapat na ikarangal at ipagmalaki – atin silang bigyang papuri at pagpapahalaga sa pamamagitan ng muling pagluklok sa mga posisyong nabigyang dangal.

Taas noo natin silang muling pagkatiwalaan ng ibayo pang debosyon sa kanilang paglilingkod. Ngayon nga ay taong 2025 at binibigyan tayong mga manghahalal ng pagkakataon na balangkasin ang mga susunod na panahon, sa direksyon ng mga pinunong ating
pagkakatiwalaan. Bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos alam naman natin ay buong taon ng pumailanlang ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibinging pakinggan. Sabi ng mga Punong Abala okey lang daw. Kasama iyan sa galaw at kilos ng pulitika. Na kapag ang halalan ay ilang linggo lamang,- — at sa isang lingo pa ang pormal na salpukan para sa mga lokal na nagnanasang makapaglingkod – ay lalong umiigting ang bangayan, ang siraan, ang pagbalahura sa mga nakagisnang kaugalian kapag eleksyon na.

Kapag eleksyon, nakalulungkot na ang mga dumi ng pulitika ay ating nararanasan ng may kapaitan. At sa bandang huli, hindi dapat gawing utang na loo bang mga ayudang ipinamumudmud ng mga kandidatong bumabalahura sa kalinisan ng kampanya. Ang ayuda ay galing sa ating mga buwis na binayaran – directly and indirectly – at kailanman ay hindi sa pagmamagandang loob ng iilang tiwali sa kaugalian.

Amianan Balita Ngayon