SINO ANG KARAPAT-DAPAT HUMAWAK NG MAHARLIKA INVESTMENT FUND?

Sa ilang mga pagtutol at pag-aalinlangan ng ilang indibiduwal at grupo sa matinding pagtutulak ng mayoryang mga mambabatas ng Kongreso at Senado ay naipasa ang panukalang batas na lumilikha sa Maharlika Investment Fund (MIF) at nito lamang ay ganap nang isang batas ito sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dito. Ang wealth fund ay ginawa at ginagawa ng ilang mayayamang bansa sa Europa at maging ang Estados Unidos ay mayroon ito upang mapalakas ang ekonomiya at mapanatili ang pagiging mabuti ng pinansiyal na kalagayan at matugunan ang mga pangangailan ng isang bansa.

May mga bansa o halos lahat ayon sa kasaysayan ay hindi nagtagumpay sa paghawak at pamamalakad ng nasabing mga “wealth fund” nila, sa iisang kadahilanan– kasakiman at korapsyon. Sa kabila ng mga karanasan ng mga bansang nagpatupad ng ganitong uri ng pondo ay
pursigido ang Malakanyang at mga pangunahing opisyal ng pananalapi ng bansa kasama ang “super mayoryang mambabatas sa Kongreso at Senado” na maisabatas ang Maharlika Investment Fund na binago pa ang pangalan mailayo lamang ito sa mga pagdududa subalit halos walang nabago sa dating uri nito.

Tiniyak na ng mga opisyal na nagsulong ng MIF at misming si Pangulong Marcos ay tiniyak na walang itinatagong mali ang nasabing batas. Tiniyak nito na sa mga kaukulan lamang ito mapupunta at pawang para sa ikabubuti ng bansa at mga mamamayan gagamitin ito. Hindi rin daw magagalaw ang kasalukuyang kaban ng bansa gayundin ang mga pondo ng ilang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno na may malalaking pondo. Ang panggagalingan ng mga pondo para ipunin sa MIF ay magiging “bukas” daw at walang itatago.

Sa kabila ng sarili nating karanasan sa ilang masalimuot na problema, kaso ng korapsyon at sabwatan sa ilang mga ponding panlipunan gaya ng PhilHealth, SSS, GSIS at iba pa ay tiwala pa rin ang kasalukuyang gobyerno na mabuti ang MIF at malaki ang maitutulong nito sa paglago at pagsigla ng ating ekonomiya na iginupo ng pandemya ng COVID-19 sa nakalipas na tatlong taon at hanggang ngayon ay bumabangon pa rin tayo. Bagaman sa katatapos na State of the Nation Address (SONA) ni PBBM ay muli nitong iniulat na bumubuti na ang kalagayan ng ekonomiya at pananalapi ng Pilipinas, ay kailangan pa ring ipatupad ang MIF upang lalong bumuti at lumago ang ekonomiya ng bansa.

Dahil sa ganap na ngang batas ang MIF at ang tanging sumbungan ng mga bumabatikos at tutol dito ay ang Korte Suprema na siyang may karapatang ibinbin ito, ipawalang-bisa ang batas. Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas upang tuwiran na itong maipatupad. Sa pagbalangkas pa lamang ng nasabing IRR ay kailangan masuri ito ng mabuti at pakatutukan upang walang makalusot ni tuldok man o kuwit na para sa kapakinabangan ng iilang tao.

Upang maging maayos at maiwaksi ang alinmang pagdududa sa Maharlika Investment Fund ay nararapat na suriin at piliin ng husto ang taong hahawak nito dahil sa napakalaking halaga ang pinag-uusapan dito, sa una pa lamang ay iminungkahi na ni Pangulong Marcos na hindi ito hahawakan ng Pangulo bagkus ay hahanap ng isang karapat-dapat para dito. Marahil ang tagumpay ng MIF ay punyagi ng bayan, ngunit ang pagkabigo nito ay magiging dalamhati ng bansa at ng bawat isang Pilipino – ng matagal na panahon.

COURTESY VISIT

UMULAN, UMARAW

Amianan Balita Ngayon