SM bomb threat ng Abu Sayyaf, peke – PROCor

Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet – Pinayuhan ng Police Regional Office-Cordillera ang publiko na huwag maalarma sa kumakalat na mensahe sa social media tungkol sa isang bomb threat sa SM.
Nagsagawa ng pinagsamang imbestigasyon ang PROCOR police at mga opisyal ng SM at nakumpirma na ang mensahe ay hindi totoo. Ang impormasyon ay hindi nanggaling sa sinumang opisyal ng SM.
Lubos na alam ng PNP ang iba’t ibang “threats” ngayon at pursigido sila sa pagsasagawa ng intelligence-gathering at security operations upang mapigilan ang mga pagbabanta o mga gawaing terorismo sa buong rehiyon.
Nananatiling kontrolado ng PROCOR ang sitwasyon at hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay wala pang impormasyon sa presensiya ng Abu Sayyaf sa Cordillera.
Hinihiling ng liderato ng PROCOR sa publiko na maging maingat sa paniniwala at pagpapakalat ng mga hindi beripikadong ulat na maaaring magdulot ng hindi mabuting “panic” at pagkabahala. Gayundin ay patuloy ang PNP at mga opisyal ng SM na maging alerto at tapat sa seguridad at kapakanan ng mga customers, tenants at mga empleyado sa lahat ng panahon.
Ang captured screen shot ng isang memo mula sa APD, Benguet PPO na ipinost sa FB ng isang Jesse Watari Bolante ay hindi katanggap-tanggap. Hindi kinumpirma ng APD, BPPO ang bomb threat at inabisuhan ang field units na makipag-ugnayan sa SM.
Karagdagan dito ay pinaalalahanan ang publiko na manatiling mapagmasid sa lahat ng panahon at tulungan ang gobyerno sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyong Cordillera.
Umaapela si Police Chief Superintendent Elmo Francis Sarona, Regional Director ng PRO-Cor, sa publiko na iulat sa pulis ang anumang kahina-hinalang mga tao, mga aktibidad at mga bagaheng iniiwan sa publiko, mga taong nagsasaliksik sa mga lugar o gusali, mga taong nagnanais pumasok sa mga secured areas, o alinmang hindi inaasahang pangyayari at krimen sa pamamagitan ng pambansang Emergency Hotline 911 o mag-ulat sa pinakamalapit na lokal na istasyon ng pulis o sa social media (PROCOR Website- www.pnp.procor.gov.ph; Twitter – @RDPROCordillera; and Facebook Page – PROCOR RPIO) o sa mga numerong: (074) 422-5515 o 09175302695 – Regional Tactical Operation Center; 09998851849-Regional Public Information Office. ABN

Amianan Balita Ngayon