SOBRANG POLITIKA AT PAMUMULITIKA HUWAG NA SANANG UMIRAL

Matapos ang mahigit isang taon na gulo sa pamumuno na naging sanhi ng pagkahatihati sa pamamahala, mga kawani at consumer-member ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) ay natapos na ang balot sa tensiyon na mala-nobelang sigalot at kalituhan sa primerang kooperatiba na tagapagdulot ng elektrisidad sa Lungsod ng Baguio at Cordillera.

Sa isang desisyon na inilabas ng bagong-hirang na Administrador ng National Electrification Administration (NEA) na si Antonio Almeda ay tinanggal sa puwesto ang naunang itinalaga ng NEA bilang General Manager na si Atty. Ana Marie Rafael na pumalit noon sa hinirang naman ng Board of Directors ng Beneco na si Engr. Melchor Licoben.

Mula noong Setyembre 2021 ay hindi na naging normal ang pamumuno at operasyon ng BENECO na labis na nagdulot ng mga kalituhan at pagkakamapi-kampi sa hanay ng mga empleyado at member-consumer ng nasabing kooperatiba ng elektrisidad. Ikinatuwa ng kampo ni Engr. Licoben at ilang grupo lalo na ang unyon ng mga manggagawa ng BENECO ang naging desisyon ni Administrador Almeda at itinuring itong isang panimulang tagumpay dahil makakapagtrabaho sila ng maluwag sa NEA.

Kabaligtaran ng pagbubunyi ng ilang grupo ay ang pagtataka, gulat at pagkalito naman ni Atty. Rafael sa biglang kapasiyahan ng bagong tagapamuno ng NEA na sinabing ang utos ay baluktot at kakaiba at ang mga paratang sa kaniya ay lubos na walang basehan. Sa liham ni Almeda ay sinabi nitong nabigo raw si Rafael na makatugon sa NEA Key Performance Standards. Kasabay ng pagsibak kay Rafael ay ang hatol naman kay Licoben ng “administratively liable” at napatawan ng 45 araw ng suspensiyon.

Kasama sa suspensiyon sina Brenda Carling, Internal Audit head; at Engr. Rocky Pallogan, dating manager ng Non-Network Services Department. Tinanggal din ng NEA Board of Administrators (BOA) ang mga miyembro ng Beneco board na sina Atty. Esteban Somngi, Rocky Aliping, Enrique Moresto, Jonathan Obar, Robert Valentin, Josephine Tuling, Luke Gomeyac, Peter Busaing, Jeffred Acop, Mike Maspil at James Aclopen base sa mga natuklasan na matagal nang mga iregularidad sa
pamamahala ng BENECO mula sa naging audit na sumasakop sa panahon ng January 2018 hanggang December 2020.

Ayon kay Almeda ay makakabalik si Licoben sa dati nitong posisyon na assistant general manager pagkatapos ng 45-araw na suspensiyon. Hindi lamang ang BENECO ang nakararanas ng kaguluhan sa pamunuan kundi marami pang mga kooperatiba maging mga ahensiya man ng pambansang gobyerno dahil sa sobrang politika at pamumulitika.

Sa bawat pagpalit ng administrasyon, lalo sa sa pambansang liderato ay tiyak may mga biglaang pagbabago sa mga hanay ng mga opisyales na kesehodang maapektuhan o mas masakit pa maparalisa ang operasyon ng nasabing mga ahensiysa o kooperatiba mapagbigyan lamang ang mga bagong itatalagang kaibigan, kamag-anak ng kaibigan, kapartido at mga pinagkakautangan ng loob sa nakaraang eleksiyon o kaya’y personal na dahilan.

Bagama’t may mga kagandahan naman sa pagpapalit at pagkakatuklas ng mga kalokohan at iregularidad ay nakakaangat pa rin ang walang-pakundangang pansariling interes. Natapos na kaya sa wakas ang sigalot sa pamunuan ng BENECO dahil sa pagtanggal sa iniluklok din ng NEA na general manager?

Sa aming palagay at masidhing pagsubaybay ay tila hindi pa rin matatapos ang gulo, dahil tiyak na “reresbak” ang mga naapi kuno at ipipilit at ipaglalaban ang natitira nilang karapatan, maipagtanggol ang mga sarili, malinis ang mga pangalan o makabawi man lamang – yun ay kung kakatig sa kanila ang suwerte.

Hangga’t hindi nalilinis, hindi man lubos ang alinmang ahensiya o tanggapang panserbisyo sa tao ay hindi matitigil ang gulo at iregularidad. Hanggat walang napapanagot at naipatutupad ng lubos at tapat ang batas, walang kinikilingan at pinapaboran, walang impluwensiya at puwersang makikialam ay makakatim na tayo marahil ng malinis na pamahalaan…sana.

Amianan Balita Ngayon