Hanggang ngayon ay mainit pa rin ang pagdinig ng Senado sa kahina-hinalang pagkatao ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang diumano’y kaugayan nito sa iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operations (POGOs), at pagiging isang espiya o isang “asset” nito ng China. Lahat ng alegasyong ito ay patuloy niyang itinatanggi at pinabubulaanan at iginigiit na isa siyang Pilipino at mahal daw niya ang bansang Pilipinas. Subalit sa pag-usad ng
imbestigasyon ay lumalabas na maraming hindi nagtutugma sa kaniyang mga pahayag at natutuklasan ng ilang mga Senador na lalong nagpapaigting sa malalim pang pag-iimbestiga.
Noong 2020 ay ninais ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan na imbestigahan ng Senado ang mga implikasyon sa pambansang seguridad ang pagpasok ng nasa apat na milyon na Chinese sa bans amula pa noong 2017. Ito ay udyok ng isinasagawang pagdinig noon ng PhP40-bilyong “Pastillas” na isyu ng korapsiyon sa Bureau of Immigration (BI). Nabahala noon ang Senador dahil may isyu pa sa West Philippine Sea ay patuloy ang maluwag na requirements sa mga retiradong banyaga at ang tila hindi sinusuring pagpasok ng nasa apat na milyong mamamayang Tsino sa bansa.
Hiniling niya noon ang pangangailangan na tingnan kung ito ay isang sinadyang ‘soft invasion’(malambot na pagsalakay) sa ating bansa. Ayon kay Pangilinan ang mga nakakabahala sa “soft invasion”, na nag-uugat sa mga pamumuhunan at mga proyektong imprastruktura na pinondohan ng China, kabilang ang pagkalantad sa pagkakautang, mga panganib sa geopolitika, at mga isyu sa soberanya. Ang “soft invasion” at “expansionist” ay terminong ginamit ng dating intelligence chief ng US Navy Pacific Fleet Captain Jim Fanell upang ilarawan ang istratehiya ng China sa pagsalakay sa mga may kakulangan sa pera na mga kapitbahay.
Pumapasok daw ang mga Tsino na may banayad na puwersa at maraming pera upang bilhin ang mga lokal na opisyal, upang magkaroon ng madaling access sa mga daungan at Paliparan at mga pag-aaring yaman na magbibigay sa kanila ng monopolyong paglontrol sa mga isla. Noong nakaraang taon ay inihayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na sangkot ang China sa isang “pagapang na pagsalakay” sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbili ng napakalaking real estate gamit ang illegal nap era (money launder). Ibinunyag ni Barbers na ang mga puganteng Chinese drug lords ay nakuhang magmay-ari at mag-operate ng isang gasolinahan at bumili ng mahigit apat na ektaryang lupa sa Pampanga na diumano’y sa pamamagitan ng mga
Pilipinong dummy.
Tinukoy niya si Filipino-Chinese Willy Ong na pinaniniwalaang nasa likod ng shipment ng 560 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng PhP3.6 bilyon sa Mexico, Pampanga. Nito lamang ay nakatakdang i-forfeit ng gobyerno ang 320 properties na nagkakahalaga ng bilyonbilyong piso mula sa pinagsususpetsahang drug lord Willie Ong at kaniyang mga kasosyo. Ang real estate na kompanya ni Ong na Empire 999 at kaniyang mga kasosyo ay nakabili ng malalaking lupain sa Mexico, San Fernando, at Angeles City sa Pampanga; Nueva Ecija, Cabanatuan City, Aurora Province, Bulacan, Cavite City, Tagaytay City, Iloilo City, Lingayen, Pangasinan, Mandaue City, Lapu-lapu City, Valenzuela City, Quezon City, Rizal, Muntinlupa City, Taguig City, Makati City, Malabon, Paranaque City, Manila City, Davao del Norte, Isulan, Sultan Kudarat, at Tabuk, Kalinga, Apayao.
Lumabas din sa mga pagsisiyasat at pagkakahuli ng maraming banyaga partikular ang mga Tsino na nagmamay-ari sila ng mga identification cards na para sa mga Pilipino lamang, gaya ng UMID ID Card, Driver’s License, iba pang mga government-issued ID’s at mga pekeng credentials. Ayon sa Sun Tzu Art of War ay mayroong limang uri ng paggamit ng mga espiya: 1) Local spies; 2) inward spies; 3) converted spies; 4) doomed spies; at 5) surviving spies. Ang pagkakaroong ng local spies ay nangangahulugang paggamit ng mga serbisyo ng mga naninirahan sa isang lugar. Ang inward spies ay paggamit sa mga opisyal ng kalaban. Ang converted spies ay paghawak sa mga espiya ng kalaban at gamitin sila para sa sariling layunin.
Ang pagkakaroon ng doomed spies ay bukas na gumagawa ng mga bagay para sa mga layuning panlilinlang, at pagpapahintulot sa mga espiya na kilalanin sila at ireport sila sa kalaban. Ang surviving spies ay ang mga nagbabalik ng mga ulat mula sa kampo ng kalaban. Ang ultimo at hangarin ng pag-eespiya sa lahat ng limang uri nito ay kaalaman tungkol sa kaaway; at ang kaalamang ito ay maaari lamang makuha sa unang pagkakataon, mula sa converted spy. Kaya mahalagang tratuhin ang converted spy ng lubos na Kalayaan. Kung sa limang uri ng espiyang ito ay nagtratrabaho lahat, walang makakadiskubre sa sikretong sistema. Ito ang tinatawag na “banal na pagmamanipula ng mga hibla” – ito ang pinamahalagang guro ng soberanya. Tila napasok na nga tayo ng limang uri ng espiyang ito kaya kinakailangan ng gobyerno, lalo na ang mga intelligence at law enforcement agencies ng Pilipinas na pangalagaan ng husto ang bansa – habang hindi pa huli ang lahat.
June 1, 2024
September 13, 2024
August 31, 2024
August 24, 2024
August 17, 2024