TALAGA namang nakakahilo ang klimang nagbabago. Climate Change ang turing, kaya naman hindi mo na ma-ispeling ang nangyayari sa panahon. Tagulan na nga naman, ayon sa deklarasyon ng Weather Bureau – bagay na naghintay pa ng isang lingo bago nila ipinahayag ang ibig sabihin ng pabago-bagong panahon. Ating pansinin na isang linggo ring inantabayan ang karanasan sa loob lamang ng sunod-sunod na buhos ng ulan. Ngunit, pansinin din na kahit tag-ulan na, ay hindi bumababa ang temperature ng panahon. Ang sabi nga po, “Tag-init sa Tag-ulan!”
Inuulan man ang lungsod nitong mga nakaraang araw, lalo naman tayong dinadagsa ng mga turista, lalo na sa
pinanggalingan mga kabayanan sa ibaba ng Baguio. Kasi naman, lampas-langit halos ang napakainit na panahon na
humampas sa ating mga kababayang hilo na sa tagtuyot. Hindi naman dapat pagtakhan ang ganitong uri ng panahon, lalo na at patuloy na hinahampas ang mga nasa ibabang lugar, lalo na sa Kamaynilaan. Hindi biro ang pagpalo ng init sa 48 degrees C hanggang sa 52 degrees C sa mga pook na dati namang hindi nakakaranas ng ganoong init ng panahon.
Sa Dagupan mismo, na ilang daang kilometro ang layo sa atin, nag-yoyo ang temperature sa higit 48 hanggang 56 degrees C. Kaya naman, naging paborito ang Baguio ng mga bumibisita maski ilang mga araw. Kaya naman, hindi
magkadaugaga ang mga dumarating na turista. Pinili nilang magpalipas ng mga 2-3 araw dito sa Baguio, malanghap
lamang ang natural na hanging dulot ng malamig – hindi nanlalamig – na temperatura. Hindi naman kalamigan
ang hanap ng ating mga kababayang taga-ibaba. Maski na ilang araw ng fresh natural air, kanilang lalandasin ang ating lungsod na kilala naman sa pagiging lugar ng mapreskong hangin.
Hindi ibig sabihin na mahangin tayong mga taga-bundok ng Baguio. Nagkalat ang mga mahangin sa Batasan Hills sa Quezon City, di po ba? Halos tuwing hapon nga ay umuulan na, tulad ng mga nakaraang taon na pagdating ng panahon na ating nararanasan ngayon, halos hapon-hapon ay umuulan. Ang kaibhan nga lamang, tag-init pa rin gayong tag-ulan na. Mainit sa katanghalian, ngunit pagsapit ng hapon, biglang nagdidilim ang panginorin, at bubuhos na lamang ang ulan upang kahit ilang oras ay madiligan ang nagbibiyakang lupa. Dyan natin pagtatakhan
ang pabago-bagong bugso ng panahon.
Hindi nga po ito dapat pagtakhan. Sa gitna ng umiiral na tindi ng tag-init, lalo na sa kapatagan at kaMaynilaan,
lampas-langit na nga ang pagbulusok ng init ng panahon. Humahampas, humahambalos. Init na nanunuot. Hanggang sa kailaliman ng mga buto. Ika nga, sagad to the bones. Kaya naman, nitong mga huling araw, halos mala-pyesta ang reaksyon ng sambayanan sa biglaang pagbuhos ng ulan. Sunod-sunod na malalaking mga patak. Nagbabaha na nga sa ibang mababang mga lugar, tulad ng City Camp kung saan nandoon ang lagoon na hinihimlayan ng umaagos na tubig, dahil hindi makapasok sa kalaliman ng kwebang tumatanggap ng basura sa lupa.
Sana naman ay tuloy na ang tag-ulan. Ibang klase at kalidad ang nagdaang tag-init. Humahagupit. Kaya naman,
hindi kakaunti ang ang halos mag-sayawan sa tuwa habang tinatanggap ang mga tikatik ng mga patak na hulog ng langit. Kung noon ay agam-agam ang inihiyaw sa mga weather forecast na uulan sa Mayo, ngayon nga ay buong
katuwaan ang kanilang naibubunghalit. Kakatuwa ka Pinoy! Tag-ulan ng talaga, kahit na ganun pa rin ang init sa
maghapon at magdamag. Paalam na sa tag-tuyot na panahon. Alis na at mangibang bakod.
Ang madalas ngang marinig, ngayong patapos na ang tag-init, ibaon na sa limot ang mga nagdaang araw na kailan lang nating dinaanan. Na kung saan, sagad hanggang buto-buto ang init na dinaranas. Ganito na nga ang mga
nakababaliw na senyales ng panahon? Na ang tag-tuyot ay magdudulot ng ibayong init na hindi pa kailanman naranasan? Maaalala pa ba ang mga pawis natin na hindi lang tumatagtak? Di po ba, umaagos na? Mga pawis natin, hindi na patakpatak. Buo-buo na. Hindi parang luha, kundi parang agos na may hapding iniiwan sa katawan. Kaya naman, ngayong tagulan na, hayaang buksan ng kalangitan ang lahat ng bintana upang ibuhos ang biyaya ng ulan.
Hayaang basain ang mga tigang na kalupaan na binasagbasag ng init ng panahon. Hayaang kahit minsan ay
magtampisaw tayo sa ulan, at buong layang paagusin ang tikatik ng tubig mula ulo hanggang paanan. Tunay na katangi-tangi ang ating lungsod. Binalangkas at binuo upang magsilbing mapang-akit na gayuma sa mga nasa ibaba nito. Kahit ngayong panahon ng tag-init, ang nararamdaman ay mahinahong init na kaya pang indahin at salagin, anumang oras, maski sa rurok ng kataasan ng araw. Kapag kalagitnaan naman ng maghapon, ay may mga pagulang tila nagpumiglas upang busugin ang lupang bumibiyak sa matinding sikat ng araw.
Hindi gaanong malakas, pero sapat na upang madiligan ang natutuyuang lupa. Ang mga patak ng ulan, hindi man hinlalaki ng daliri, tamang-tama lang upang kahit papaano ang lupang nagbibiyakan na sa tindi ng panahon ay unti-unting nagkakaroon ng panibagong buhay at sigla. Akyat na kayong mga pinahihirapan sa tag-init na hanggang ngayon ay umiiral. Tara na sa Baguio, kayong mga abang kababayang tinutusta ng init sa maghapon at magdamag. Iba ang Baguio, bukod-tanging lungsod na kasiya-siya! Sa maghapon at magdamag, ibang klase pa rin ang nararanasang lamig. Hindi maginaw na kailangang gumamit ng kumot. Tamangtama lamang ang lamig na dulot ng kapaligirang patuloy na umaaruga sa kilma ng Baguio.
June 1, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
October 5, 2024
September 29, 2024