STRAWBERRY HOT SAUCE PATOK SA BENGUET

LA TRINIDAD, Benguet

Patok ngayon ang isang hot sauce mula sa sikat na Strawberry na gawa mismo ng mga estudyante ng Benguet State University sa La
Trinidad, Benguet. Ayon kay Daniel Cuyo, isa sa mga bumuo ng produkto, nagmula ito bilang isang thesis project noong sila ay nasa
ikatlong taon sa kolehiyo. “Mahilig ang mga Cordilleran sa maanghang, at sagana rin kami sa strawberry. Naisip naming pagsamahin ang dalawa para makabuo ng bagong produkto.” Ang simpleng proyekto sa eskwela ay hindi lamang nanatili sa papel, dahil sa natatanging ideya, napili nilang ipresenta ito sa 2024 Young Farmers Challenge ng Department of Agriculture. Dito, sila ay nanalo sa provincial category at nakatanggap ng P80,000 na pondo upang lalo pang mapaunlad ang kanilang negosyo.

Bukod sa oportunidad na kumita, naging daan din ang kanilang produkto upang matulungan ang mga lokal na magsasaka sa Benguet.
Direktang kinukuha ng grupo ang kanilang strawberry supply mula sa mga magsasaka upang makatulong sa kanilang kabuhayan. “Gusto naming mapalakas ang ugnayan namin sa komunidad. Mahalaga ang transparency sa ganitong negosyo para parehong makinabang ang magsasaka at ang negosyo namin,” dagdag ni Cuyo. Marami tuloy ang na curious sa kakaibang kombinasyon ng strawberry at hot sauce.
Ayon kay Rufus Menzi, isa sa kanilang mga suki, una niyang inisip na “weird” ang konsepto. “Strawberry sa hot sauce? Parang hindi bagay.

Pero nung natikman ko, nagustuhan ko kung paano binabalanse ng tamis ang asim at anghang.” Dahil sa positibong pagtanggap ng mga mamimili, lalo pang lumakas ang kumpiyansa ng grupo na palawakin ang kanilang produkto. Pina-plano nilang gumawa ng iba pang
strawberry-based sauces na may bagong flavors upang mas makilala pa ang lokal na prutas ng Benguet. Sa likod ng kanilang tagumpay, hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan. Mula sa pagsasaliksik ng tamang timpla hanggang sa marketing ng produkto, dumaan sila sa maraming pagsubok, pero sa halip na sumuko, ginawa nila itong hamon upang mas mapabuti pa ang kanilang negosyo.

Nakatulong din ang suporta ng kanilang unibersidad at lokal na pamahalaan sa paghubog ng kanilang kakayahan sa agribusiness. Maliban sa kaalaman sa pagkain, natuto rin sila kung paano patakbuhin ang isang negosyong may pangmatagalang epekto sa komunidad. Hindi lang pangkaraniwang sawsawan ang kanilang nilikha, ito ay naging simbolo ng pagsisikap at inobasyon ng kabataang Pilipino sa larangan ng agrikultura. Pinatunayan nilang may puwang ang mga lokal na produkto sa mas malaking merkado kung bibigyan ng tamang suporta at pagkilala.

Sa hinaharap, hangad ng grupo na makilala pa sa buong bansa ang kanilang produkto at pangarap nilang makita ito sa mga palengke, pamilihan, at maging sa mga kilalang restawran sa loob at labas ng Cordillera. Para sa kanila, ang tunay na tagumpay ay hindi lang nasusukat sa kita kundi sa impakto ng kanilang ginagawa sa buhay ng iba, lalo na sa mga magsasaka na kanilang katuwang sa negosyo. Mula sa isang simpleng ideya ng sawsawan, lumago ito bilang isang produktong may kwento at malasakit sa komunidad. Tunay ngang sa tamis ng strawberry at anghang ng sili, nahanap nila ang perpektong timpla ng tagumpay.

Von Rick Angway/ UB-Intern

Amianan Balita Ngayon